NOSTALGIA

DALAWANG linggo na ang nakalilipas nang mapadaan ako sa UP Diliman Campus isang hapon, makalipas ang ilang taon.

Papunta ako ng UP Town Center, ewan ko ba at naisipan kong padaanin sa loob ng campus ang sinakyan kong Grab taxi. Sabi pa nga sa akin ng driver, baka sitahin kami kasi wala raw siyang UP sticker.

Sabi ko, “hind iyan, ako ang bahala”. Swerte naman dahil walang sumita sa aming security guard sa pagpasok namin.

Habang binabaybay namin ang oval, pagtapat naming sa AS building (Arts and Sciences), nakita ko ang sarili ko sa gilid ng corridor ng 2nd floor, sa may CR (comfort room) ng mga babae.

May tinatawag ako sa ibaba, ang lakas pa nga ng boses ko. Paglingon ko naman sa kaliwa, naglalakad naman ako sa “AS Walk”, kasama ko ang tatlong blockmates ko na sina Elaine, Liza at Marilou, papunta kami ng Main Library. Naka-sneakers pa nga ako, suot ang kupas na pantalong maong at printed na white shirt.

Hindi ko namamalayan, tumutulo na pala ang mga luha ko…. umiiyak na pala ako (naging senti pa lalo ang eksena nang tumugtog mula sa car stereo ang kanta ni Noel Cabangon na Kanlungan).

Paglampas namin sa “humps” sa gitna ng mga higanteng puno ng acacia, tanaw ko na ang Sunken Garden, nakasalampak ako roon sa isang madamong bahagi habang nagbabasa at kumakain ng banana cue.

Sa may bandang unahan, tapat ng Vinzon’s Hall, marami akong kasabay na estudyante sa waiting shed, nag-aabang ng “Ikot” na jeep.

Nagmamadali akong sumakay papuntang Math building, bitbit ang mabigat at bulaklakin kong bag. Nagawi ang tingin ko sa susunod na building, ang College of Economics.

Kasama ko si mama, dahil sasalang ako sa UPCAT (UP College Admission Test).

Kitang-kita ko sa mukha at mga mata ko ang magkahalong kaba at excitement sa maghapong pagsusulit, kasama pa ng ibang mag-e-exam.

Nakami-miss ang buhay-college sa UP. Masaya, malungkot, pressured kapag final exams, at pagsama ko sa mga rally noon (Iskolar ng bayan, ngayon ay lumalaban!).

Kamusta na kaya ang tambayan namin ng mga sisters ko ang BETAKU sa 2nd floor CR sa AS Building?

Buhay pa kaya si Manang (na founder ng Betaku). Sikat na ang isawan ni Mang Larry at ang tapsilog ni Rodics. Sobrang na-miss ko ang BBQ sa Beach House at ang Teriyaki sa CASAA at iba’t ibang klase ng salad sa Greenhouse. Kamusta na kaya ang mga ka-org ko sa PSC (Peoples Service Corp) at ang mga classmate ko? Balita ko successful naman silang lahat, sa kani-kanilang mga napiling propesyon.

Kay sarap lang alalahanin ang buhay namin noon sa UP Diliman ….mapangingiti at mapaluluha ka na lang. May UPCAT weekend na uli, GOOD LUCK! Sa mga bagong henerasyon na susubok sa hamon sa pagiging Iskolar ng Bayan. UP naming mahal… pag-asa ng Bayan. ALIN ANG NAIBA/ALIN FERRER

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply