Pag-aarmas sa sibilyan inayawan ng mambabatas

SABAY na tinutulan nina House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Barbers at House Committee on Security and National Defense Vice Chairman Ruffy Biazon ang hiling ng VACC na payagang armasan ang mga sibilyan ngayong inalis na sa PNP ang pangunguna sa war on drugs.

Ayon sa VACC, ang pagsusulong na armasan ang mga sibilyan ay bilang panlaban sa lumalalang krimen sa bansa.

Sinabi ni Barbers, hindi siya sang-ayon sa iminumungkahi ng VACC dahil lalong mawawalan ng kapayapaan sa bansa na maaaring mauwi sa malubhang sitwasyon at paglala ng krimen.

Ani Biazon, wala namang compelling reason o mahigpit na dahilan para payagang armasan ang mga sibilyan.

Maaari lamang itong magbunga ng “gun culture” na kahit sino ay pwede na magmay-ari ng baril at posibleng mahirapan ang mga awtoridad sakaling mauwi ito pang-aabuso.

Wala rin anilang mataas na kaso ng paggamit ng baril ng mga nasa drug trade laban sa mga sibilyan kaya walang rason para payagan ito ng pamahalaan.

Paalala ng mga mambabatas, hindi maaapektuhan ang trabaho ng PNP na bantayan ang krimen sa bansa ngayong inilipat na sa PDEA ang pangunguna sa kampanya kontra iligal na droga. MELIZA MALUNTAG

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply