PASOK SA KORAPSYON SI QC REP. BINGBONG CRISOLOGO

AYAW ni Pangulong Rodrigo Duterte ng tiwali at korap sa kanyang administrasyon, kaya kahit matagal na niyang mga kaibigan ay tinanggal niya sa kanyang administrasyon.

Kaya, laglag na si Quezon City District 1 Rep. Vicente “Bingbong” Crisologo sa pagka-alkalde ng Quezon City para sa eleksyong 2019 dahil nahaharap siya sa kasong “graft, malversation of funds, and malversation through falsification of public documents.”

Ang mga kasong ito ay pawang paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices.

Matunog na matunog na tatakbo si Crisologo sa pagka-alkalde ng Quezon City sa ilalim ng PDP-Laban, partido ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Katunayan, ipinapakalat ng mga bata ni Crisologo na si Crisologo ay susuportahan ni Duterte sa 2019 at hindi si Vice-Mayor Joy Belmonte na lumipat na sa PDP-Laban matapos iwanan ang Liberal Party.

Ayon sa Office of the Ombudsman, matibay at malakas ang mga kasong isasampa nila sa Sandiganbayan laban kay Crisologo at iba pa na may kinalaman sa kanyang P8 milyong Priority Development Assistance Fund noong 2009 na si Gloria Macapagal-Arroyo pa ang pangulo!

Bukod kay Crisologo, kasama rin sa kaso sina dating Social Welfare Secretary Esperanza Cabral, dating Undersecretaries Mateo Montaño at Lualhati Pablo, dating Chief Accountant Leonila Hayahay, dating Assistant Secretary Vilma Cabrera at dating Assistant Director Pacita Sarino.

Kasama rin si Cenon Mayor na pangulo ng Kaloocan Assistance Council, Inc. (KACI) nang hilingin ni Crisologo noong 2009 sa Department of Budget and Management na maglabas ng P8M para sa implementasyon ng kanyang proyektong Comprehensive Integrated Delivery of Social Services.

Nadiskubre ng Office of the Ombudsman na pawang mga pekeng resibo ang inilabas ng KACI para sa proyektong CIDSS ni Crisologo.

Sabi pa nito, ang Silver A Enterprises na supplier ng mga produktong ginamit ng KACI ay hindi rehistradong business establishment, samakatuwid ito ay iligal.

Hindi rin totoong may mga taong nakatanggap na mga benipesyo mula sa P8-milyong proyekto ni Crisologo.

Sabi pa ng tanggapan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na hindi totoong naglunsad ng medical at dental projects ang National Children’s Hospital noong Oktubre 2009 gamit ang P8 milyong prok barrel ni Crisologo.

Tahasang itinanggi ni Crisologo na may kinalaman siya sa P8 milyong PDAF scam ng kanyang proyekto.

Aniya, hindi humahawak ng pera mula sa PDAF ang mga kongresistang tulad niya kundi ang mga implementor ng proyekto.

ANU-ANO ANG MGA BAGO SA CALOOCAN?

PANAHON nang dalawin ang Lungsod ng Caloocan upang masilayan ng nakararami ang asenso at ganda ng Caloocan at ang mga masipag at masayahing mga residente ng lungsod, ayon kay Mayor Oscar Malapitan.

Sabi rin ni Malapitan na tunghayan din ninyo ang nalalapit na pagbubukas ng bagong city hall at big-domed sports complex at ang tuluy-tuloy na pagtatanim ng 20,000 fire trees at paglikha ng mga munting hardin sa mga lansangan.

Tara na sa Caloocan!

===
Problema at hinaing n’yo, itawag, o i-text sa: 09985650271. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply