Tiwala ng foreign investors sa local BPO industry, tumataas – Angara

SA kabila ng sigalot sa pulitika, patuloy na tumataas ang pagtitiwala ng dayuhang imbestor na mamuhunan sa bansa dahil pinanatili ng Senado ang tax perks ng Business Processing Outsourcing (BPO) sa isinusulong na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), ayon kay Senador Sonny Angara.

Sa pahayag, sinabi ni Angara na lumilinaw ang mga senyales na nakakarekober ang BPO industry dahil marami nang nangakong mamuhunan sa bansa dulot ng Senate version ng TRAIN na pananatilihin ang kasalukuyang insentibo sa industriya na ikinatuwa ng IT-Business Process Association of the Philippines (IBPAP).

“Hindi ginalaw ng Senado ang tax incentives ng industriya upang patuloy na maakit ng bansa ang BPO investments na magpapasigla sa paglago ng ekonomiya at lumikha ng mas maraming hanapbuhay para sa mga Filipino,” ayon kay Angara.

Sa ngayon, tumamlay ang bagong pamuhunan sa IT-BMP industry sanhi ng iba’t ibang sigalot. Naaantala ang desisyon ng ilang mamumuhunan na maglagak ng pamuhunan sa bansa at nagdesisyon na mamuhunan sa ibang lugar sa kabila ng naunang plano kung babaguhin ang kasalukuyang pagbubuwis sa mga imbestor, ayon kay Angara.

Ngunit nang inihain ang Senate Bill No. 1592, o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) na pinanatili ang insentibo, sinabi ng IBPAP na gumaganda ang pananaw ng namumuhunan na magnegosyo sa bansa.

Noong 2016, umabot sa $23-bilyon ang kinita ng bansa sa IT-BPM industriya na nagbigay ng direktang hanapbuhay sa 1.15 milyong Filipino.

Iniulat kamakailan ng Department of Labor and Employment na nananatilng malakas ang oportunidad ng trabaho sa BPO industry.

Pinanatili rin ng panukalang batas ang zero VAT probisyon para sa locators ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

Umaabot sa 350 economic zones ang itinayo sa ilalim ng PEZA na kumukupkop sa mahigit 3,500 imbestor na nagluluwas ng produkto at serbisyo sa ating bansa at mayroong dalawang milyong trabahador.

Pinili ng imbestor ng Pilipinas dahil sa kalidad ng mga manggagawa at insentibo na ibinibigay ng pamahalaan. ERNIE REYES

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply