500 motorista sinampolan ng MMDA sa paglabag sa yellow lane sa EDSA

MAHIGIT 500 motorista ang sinampolan ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nang hulihin ang mga ito makaraang lumabag sa muling pagpapatupad ng “yellow lane” sa EDSA.

Ayon kay MMDA assistant general manager for planning Jojo Garcia, sa unang araw ng muling pagpapatupad ng yellow lane scheme ay bahagya umanong lumuwag sa trapik ang kahabaan ng EDSA at tanging ang southbound lane sa bandang EDSA-Guadalupe aniya ang naging matrapik dahil ang nagpapabara ay ang mga jeep na patungong J.P. Rizal.

Dagdag pa ng opisyal, alas-12:00 pa lamang kanina ay nasa 70 pribadong behikulo na ang nahuli ng mga naka-deploy nilang traffic enforcers dahil sa paglabag sa yellow lane scheme samantalang 37 ang mga bus.

Sa non-contact apprehension naman ay nasa 364 na pribadong behikulo ang nahuli ng MMDA na lumabag din sa naturang traffic scheme at sa mga bus naman ay nasa 114.

Sa kabuuan, nasa 585 na mga motorista ang nahuli ng MMDA na posibleng tumaas pa aniya ang bilang nito.

Ayon pa kay Garcia, sa kabila ng mahigpit nilang implimentasyon sa yellow lane ay marami pa rin mga motoristang pasaway.

Nabatid na kanina ang unang araw ng muling implimentasyon ng yellow lane kung saan dati na itong pinaiiral, subalit tila nagging maluwag sila sa pagpapatupad nito.

Sa sinumang lumabag na motorista sa yellow lane ay may multang P200 para sa bus samantalang sa mga pribadong behikulo ay P500.

Samantala, sa Miyerkoles ay muling mahigpit na ipatutupad ang motorcycle o blue lane sa EDSA. JAY REYES

 

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply