500K pasahero ng MRT, nanganganib sa madalas na aberya

NANGANGANIB ang kaligtasan ng mahigit 500,000 pasahero ng Metro Rail Transit (MRT) sa madalas na aberya ng sistema ng tren kaya’t pinukpok ng isang senador ang Department of Transportation (DOTr) na magdesisyon kung ititigil ang operasyon nito o hindi.

Sa interview, sinabi ni Senador Grace Poe na kailangan tiyakin ng DOTr ang kaligtasan ng pasahero bago tuluyang patakbuhin ang MRT kaysa magsisi sa bandang huli sakaling may mangyaring matinding aberya.

“Ang kailangan nilang gawin ay siguraduhin na ligtas ang ating mga mananakay. Ngayon, kung kinakailangan na itigil, alam natin na maaapektuhan halos limandaang libong mga mananakay pero kung iisipin naman natin ang maaaring bawian ng buhay dahil sa kapabayaan, baka kailangan lulunin natin ito ngayon pero ang importante talaga ay magdesisyon ang DOTr at ‘pag may nangyari, akuin nila ang responsibilidad,” ayon kay Poe.

Sinabi ni Poe na kailangan magdesisyon kaagad ang DOTr hinggil sa operasyon ng MRT matapos naghiwalay ang dalawang tren na may lulan ng ilang daang pasahero habang binabagtas nito ang kahabaan ng EDSA mula Buendia at Ayala sa Makati kahapon ng umaga.

Ayon kay Poe, hindi masasabi ngayon kung talagang ligtas o hindi ang tren ng MRT sa harap ng sunod-sunod na aberya na tila naghihintay nang mas malaking trahedya sanhi ng kapabayaan ng nakaraang administrasyon.

“Alam mo ngayon walang makakapagbigay talaga, ako kahit ako tanungin dito hindi ko pwedeng sabihin na talagang masasabi nating ligtas kasi kahit hindi ka naman isang inhinyero, makikita mo araw-araw may aberya, doon pa lamang ay parang nagpapakita na ng sintomas so siguro kinakailangan talaga may eksperto na itaya ang kanyang pangalan at busisiing mabuti at sabihin kung ititigil o itutuloy ang serbisyo rito pero ang DOTr kailangan na nilang maglahad ng kanilang plano,” aniya.

Nangyari ang munting trahedya isang araw matapos tiyakin ng DOTr na ligtas ang operasyon ng MRT at gumaganda ang serbisyo nito.

“Kung kinakailangan ay itigil ang pagpapatakbo ng MRT, kailangan nilang sabihin, kailangan maglakas-loob sila dahil magagalit ang taumbayan kasi marami talaga ang mahihirapan na walang MRT pero ang importante ay ligtas sila. So kailangan mag-desisyon ang DOTr. Kailangan bang åitigil ang pagpapatakbo ng mga tren para talagang mabusisi ninyo o mapag-aralan ninyo ang mga teknikal na bagay na magliligtas sa ating mga kababayan?” ani Poe.

Ngunit, sinabi ni Poe na itinutulak ang mga pasahero ng MRT ng kasalukuyang pangyayari sa mas matinding trahedya.

“Ito nga ‘yung problema natin, talagang natutulak na tayo halos sa pader. ‘Yung masabi mo, ‘yung MRT halos araw-araw mayroon talagang problema. Doon sa kasawiang-palad na nangyari sa isa nating kababayan na naputulan ng kamay, sintomas pa lang ito, tayo’y nakikisimpatya pero ang malaking problema na nakaamba d’yan na sana huwag namang mangyari ay yung problema talaga sa riles na dapat palitan. ‘Yung signaling system para hindi magbanggaan itong mga tren na ito. Nakita na natin ‘yung nangyari kanina, pinag-uusapan lang natin ang aksidente sa isang tao pero ito, humiwalay ang dalawang bagon,” aniya.

Aniya, kailangan nang gumawa ng kaukulang programa ang DOTr kung hanggang kalian ang rehabilitasyon ng MRT.

“Yun lang naman ang tanong diyan, ilabas na ang plano ninyo kung gaano katagal ang rehabilitasyon ng mga tren. Ano ang gagawin niyo? Mayroon ba kayong point to point buses na idadagdag? At bibigyan ba ninyo ng kompensasyon na libre ang ating mga pamasahe sa mga panahon na walang pagtakbo ang MRT, iyan ang tanong natin,” ayon kay Poe. ERNIE REYES

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply