Aberya sa MRT gawan ng paraan – solon

UMAPELA ang isang mambabatas sa Department of Transportation (DOTr) na agarang humanap ng alternatibong paraan upang pansamantalang magawan ng paraan ang sunud-sunod na aberyang nangyayari sa MRT-3.

Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, ngayong suspendido na ang kontrata ng maintenance provider ng MRT na Busan Universal Rail, Inc. (BURI) ay hindi naman dapat lalong maghirap ang mga commuter at humanap ng agarang solusyon ang DOTr para mabawasan naman ang stress na nararanasan sa araw-araw ng mga pasahero.

“Dapat nang maglatag ng paraan ang DOTr na titiyak sa publiko na hindi babagsak lalo ang serbisyo ng MRT sa kabila nang kawalan ng maintenance provider,” paliwanag ni Evardone.

Nababahala si Evardone na posibleng matagalan pa ang isyu ng maintenance contract lalo at balak pa ng BURI na iapela sa korte ang naging pagkansela sa kanilang kontrata.

Para sa mambabatas, ang pagsasapribado pa rin ng MRT ang siyang magandang solusyon para mapagbuti ang serbisyo nito habang ang gobyerno ang syang magreregulate sa operasyon nito subalit habang malayo pa ang pagtalakay ukol dito ay dapat solusyonan muna ng DoTR ang paghahanap ng maasahang maintenance provider upang maging maayos ang operasyon ng mass transit. GAIL MENDOZA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply