BABOY, BASTA MAY DEPEKTO, IBENTA, ILITSON MO NA ‘YAN!

KAMAMATAY lang ba ang baboy?

Huwag itapon ‘yan sa dam. Huwag ring sunugin. Ibenta ‘yan sa maglilitson.

Kahit mura, kahit P25 lang bawat kilo niyan, pera pa rin ‘yan. Naglalaway at parang may sakit?

Ibenta agad ‘yan.

Huwag sunugin, huwag itapon sa dam ng babuyan upang ulamin ng mga isda, alimango at hipon.

May mga ready na buyer. Mga maglilitson at magbobotya.

Sila mismo ang kumukuha sa mga piggery. At napalulusutan ng mga taga-piggery ang mga taunan ng National Meat Inspection Team dahil nakaistasyon lang ang mga ito sa mga highway.

Hindi pumupunta ang mga ito sa mga daan na pasikot-siko hanggang sa makarating ang mga depektibong baboy sa palengke o litsunan.

At alam ba ninyo na may mga sikat na maglilitson na pirming suki ng mga may depektong baboy na lilitsunin?

Kapag nakabili kayo ng mga litsong madaling masira o madaling bumaho, magduda na kayo.

Kasama ‘yan sa mga may depektong baboy na pinalusot para mabenta.

Ang totoo, may mga kontak ang mga maglilitson at magbobotya na mga taga-piggery.

Tama lang na nagtutugma ang kanilang mga interes.

Ang mga magbobotya o maglilitson ay gustong bumili ng mura at magbenta ng mahal.

Ang mga nasa piggery naman ay gustong pagkakitaan ang bawat baboy, maganda man o may depekto o maysakit.

Marami nga sa mga nasa loob ng piggery ang nag-aaway-away. Ito’y dahil sa may mga empleyado na ayaw lokohin ang publiko, pero may iba namang gahaman sa salapi at sila ang nagmamaniobra upang makalabas sa mga piggery ng mga may depekto at maysakit na baboy para maging pera.

Maraming kaso ang iniuulat sa atin na maraming may-ari ang ayaw masira ang kanilang pangalan bilang mga negosyante pero may mga kasosyo at empleyado silang pawang mga mukhang pera.

Katwiran nila, malaki ang gastos sa babuyan kaya dapat lang na kumita sila kahit masama na ang lagay ng kanialng mga alaga.

O mag-ingat-ingat kayo sa mga botya at litson.

Hindi porke mura at masarap ang karneng baboy o litson, eh, oks na sa atin. PAKUROT/LEA BOTONES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply