Comelec ‘no extension’ sa voter’s registration

HINDI na palalawigin pa ng Commission on Elections (Comelec) ang pagdaraos ng voter registration na kanilang isinagawa para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakdang idaos sa Mayo 2018.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, hindi sila magpapatupad ng ekstensyon sa voter’s registration na nakatakdang magtapos ngayong araw kaya’t dapat nang samantalahin ng mga botanteng ang pagkakataon upang makapagparehistro.

“#VoterReg2017 ends on Thursday, 30 Nov 2017. No extensions. @COMELEC,” tweet ni Jimenez.

Matatandaang Nobyembre 6 nang buksang muli ng Comelec ang voter registration upang bigyan ng sapat na panahon ang mga bagong botante na makapagparehistro at makaboto sa nalalapit na eleksyon.

Maging araw ng Sabado at holiday ay tumanggap ng aplikasyon ang mga local Comelec offices para mas maraming aplikanteng ma-accomodate.

Nagkaroon rin ng sattelite offices sa barangay halls, barangay plazas, at maging sa pampublikong paaralan para mas mapalapit sa mga mamamayan ang registration.

Sa pinakahuling data mula sa Election and Barangay Affairs Department (EBAD), 496,816 applications ang natanggap ng Comelec sa pagitan ng Nobyembre 6-25 at inaasahang lalo pa itong tataas hanggang ngayong araw, kung kailan inaasahang maraming botante ang magdadagsaan sa kanilang mga tanggapan upang humabol sa huling araw ng parehistruhan. MACS BORJA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply