DoH at DSWD PANANAGUTIN SA HINDI PAGPONDO SA GUARANTEE LETTER NG MGA MAMBABATAS

DISMAYADO si House Minority Leader Danilo Suarez sa hindi pagpopondo ng Department of Health sa mga guarantee letter (GL) o medical assistance na ibinibigay ng mga mambabatas sa kanilang constituents gayong may budget na inilalaan dito.

Ayon kay Suarez, may alokasyon sa budget ng DoH ang medical assistance na ibinibigay nila ngunit sa liham na ipinadala ng DoH sa mga kongresista ay ipinaaalam nitong hindi na kikilalanin ang (GL) dahil walang pondo.

“ Aalamin natin kung bakit walang pondo, makikipagkoordina at hihingi ng paliwanag kung nasaan ang pondo na inilaan sa kanila ng Kongreso ”pahayag ni Suarez.

Ang mga mambabatas ay maaaring magbigay ng GL na magagamit na pambayad sa serbisyo sa mga specialized hospitals gaya ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), Philippine Heart Center, Childrens Hospital at Philippine Orthopedic, ang bayad naman sa nasabing mga ospital ay manggagaling sa pondo ng DoH na inilaan ng Kamara.
Maliban sa DoH, sinabi ni Ako Bicol partylist Rep. Alfredo Garbin na maging  ang kanilang educational assistance ay nagkakaproblema rin, mayroon umano silang mga scholar na hindi nakatatanggap ng P3,000 kada semester o P6,000 kada taon na tulong dahil ang pondong nakalaan para sa assistance ay nailaan sa Marawi Humanitarian Mission.

Pinaalalahanan ng mga kongresista ang DOH at DSWD na huwag ipitin ang pondo para sa mga mahihirap na may sakit na umaasa sa pondo ng gobyerno at ang mga mahihirap na scholars na posibleng hindi makapagpatuloy ng pag-aaral pag hindi nila inilabas ang pondo na nararapat sa kanila. GAIL MENDOZA

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply