HABULIN ANG MGA NAMBABOY SA MRT-3

TAMA lang na ganap nang putulin ng pamahalaang Duterte ang kontrata sa Busan Universal Rails, Inc. para sa mantinansiya ng MRT-3.

Batay sa nangyayari, delikado na ang tren.

Minsan nang umusok ang isang upuan at nitong huli, umusok na ang malaking bahagi ng isang bagon ng tren.

Isa pa, maya’t maya na lang ay nasisira ang tren. At mula sa 73 na bagon, tataas ang dugo mo na malaman mong mahigit 10 na lang pala ang pinatatakbo.

Ano na ba talaga ang nangyayari riyan?

ISKAM SA BURI

Ayon sa mga kritiko, maayos-ayos ang takbo ng tren nang ang Sumitomo pa ang may hawak ng mantinansya ng tren.

Pero nang dumating ang BURI, anak ng tokwa, pasira na nang pasira ang takbo nito.

Ayon sa mga taga-BURI, bago sila nag-takeover, sinasabi na nila na masama ang kalagayan ng tren.

Luma na umano ang mga bagon at pati riles. Kaya walang makapipigil ang pagkasira at paglala ng sira nito.

Ipinaaabot nila umano sa mga taga-DOTC noon ang kalagayan ng tren pero hindi umaksyon ang ahensya.

BINABOY

Sa kabila ng katwiran ng BURI, may mga dahilan talagang pasira ang tren dahil sa mga kompanyang nagmamantine nito.

Unang iskam na lumalabas, eh, may maniobra sa mga kumokontrata sa mantinansya.

Magsimula nang mawala ang Sumitomo, may palatandaan na iisang grupo ang nagmamaniobra sa lahat ng kumpanyang sumunod nang maintenance provider.

At ang grupong ito ang nagtayo rin ng BURI.

Kasama sa mga maniobra ang pagnanakaw sa mga original na computerized na utak ng tren.

Ninakaw umano ang mga ito at pinalitan ng replacement at kung gusto ng namamahala na magkaroon ng mga original, may suplayer naman.

Tanong: Hindi ba ‘yung mga nagnakaw ng oirignal na computer system ang nagbebenta ng original na piyesa?

Wala rin umanong procurement system ang BURI.

‘Yun bang === kung may bibilhan ng mga piyesa ang BURI, dapat kinikilala ng gobyerno at rehistradong kumpanya ang pagkukunan nito ng piyesa at daraan ito sa tamang proseso.

Dahil ba sa may pinagkukunan ng mga orihinal na piyesa na maaaring ang mga nambaboy mismo sa mga piyesa ng tren?

Alalahanin na may nagpapatotoo na pinagkakatay ang ibang mga bagon at maaaring galing dito ang mga piyesang ibinibenta sa BURI.

Anak ng tokwa, saktong niluluto ang MRT-3 sa sarili nitong mantika?

MAHILIG SA P3.8B

Alam ba ninyo ang isang pang kasuka-suka sa MRT-3?

Ang halaga ng kontrata ng BURI sa mantinansya ay P3.8-bilyon.

Nang bumili ang DOTC ng 48 na bagon mula sa kompanyang Dalian ng China, P3B din.

Lahat ng ito ay noong panahon ni ex-President Benigno Aquino III o PNoy.

Anak ng tokwa, binaboy na nga ang kontrata sa BURI, binaboy pa ang kontrata sa bilihan ng mga bagon.

Sa bagon, pinal nang sinabi ng DOTr ngayon na hindi pupwede ang mga bagong bagon ng Dalian dahil hindi compatible sa riles ng tren at sistema ng MRT-3.

Malalaki ang mga bagon at kung tumakbo ang mga ito, masisira lang ang mga riles.

Hindi rin tinesting ang mga ito at wala ring computer system.

Maliwanag na sa dalawang P3.8-bilyong kontrata nakatuon ang mata ng mga anak ng tipaklong na may hawak sa gobyernong Aquino at hindi sa serbisyo sa mamamayan at kaligtasan ng mga ito.

DEMANDA SA BATANG PNOY

May demandang nakasampa sa Ombudsman laban sa mga bata ni PNoy, lalo na kay dating DOTC Sec. Joseph Emilio Abaya na tagapirma sa kontrata, kahit pa sa naunang maintenance provider matapos ang Sumitomo.

Ang tanong ngayon, mga Bro, hanggang kay Abaya lang ba ang pananagutan sa nasa P8 bilyong kontrata, pwera pa ang dalawang nauna bago pumasok ang BURI?

Sa palagay ng iba, mga Bro, hanggang kaloob-looban ng Malakanyang sa panahon ni PNoy ang pag-apruba sa mga kontrata at maaaring maituturing na tuta lang si Abaya.

Maganda sana kung magsasalita si Abaya.

Pero ang unang idinemanda ng Ombudsman na si Al Vitangcol ang nagsasalita.

Problema nga lang at inakusahan ito ng pangongotong bagama’t may iba pang naaukasahan din ng pangongotong na isang lider ng Liberal Party na umano’y isang probinsyano.

BAKBAK, SAULI

Magandang uriratin nang husto ng pamahalaang Duterte ang pambababoy sa MRT-3 ng lahat ng mga taga-Malakanyang at taga-DOTC noong panahon ni PNoy.

Pinera na ang mga kontrata, inilagay pa sa delikado ang buhay ng 550,000 mananakay araw-araw.

Hindi pupwedeng kalimutan na lang ang lahat at patawin ang mga korap at mandarambong noong panahon ni PNoy.

Dapat silang panagutin sa kanilang mga krimen.

oOo
Anomang reklamo o puna, mangyaring i-text lamang po sa 09228403333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply