IMEE: MAGTATAGUMPAY ANG TF BANGON MARAWI

ISA si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa mga opisyal ng pamahalaang lokal na nadismaya nang todo sa administrasyong Aquino dahil sa labis na pagpapabaya nito sa mga biktima ng superbagyong “Yolanda,” lalo na ang mga residente ng Tacloban City na lalawigan ng kanyang ina na si dating Unang Ginang at ngayon ay kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na si Imelda Romualdez Marcos.

Alam din ni Imee na maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi nagustuhan ang pagpapabaya sa mga biktima ng Yolanda ng pinalitan nitong pangulo na si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Naniniwala si Imee na tusong politiko ang nagbabalewala sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga ordinaryong tao tulad ng ginawa sa mga biktima ng Yolanda, sapagkat mayorya sa kanila ay ubod nang hirap na, tapos panay pangako lang ang ibinigay sa kanila ng nakalipas na administrasyon.

Ang programang pabahay ay hindi pa tapos hanggang ngayon. Ang mga nagkaroon naman ng bahay na wala pa sa kalahating milyong katao ay madaling masirang bahay ang natirahan nila dahil pawang sub-standard ang mga ito. Nagbigay nga ng livelihood, pero hindi naman ito nakabubuhay ng pamilya. At napakaraming ipinangako ni Noynoy na ‘di natupad.

Naniniwala si Imee Marcos na magkaiba ang administrasyong Duterte at ang administrasyong Aquino, sapagkat naniniwala ang beteranong lingkod-bayan ng Ilocos Region na seryoso at tapat si Duterte kaysa kay Aquino. Naniniwala rin si Imee na maraming opisyal sa iba’t ibang mga pamahalaang lokal sa bansa na tutularan ang pinasimulan niyang tulong sa pagbangon ng Marawi City.

Matatandaang nakipag-ugnayan ang administrasyon ni Imee Marcos sa mga residenteng Muslim sa Ilocos Norte upang ikasa ang pagtulong sa mga biktima sa kaguluhang naganap sa Marawi bago pa man itatag at ilarga ng pambansang pamahalaan ang Task Force Bangon Marawi.

Kaya, lubos na naniniwala si Imee na hindi mangyayari sa mga biktima ng teroristang Maute Group ang dinanas ng mga biktima ng Yolanda.

Kapansin-pansin na labis na abala sa panahong ito si Imee tungkol sa pagbangon ng Marawi, sapagkat hangad niyang magtagumpay ang TF Bangon Marawi. Kaya higit na inuuna ni Imee ang mga kababayan sa Mindanao, partikular ang mamamayang Moro, kaysa ang eleksyong 2019.

Hindi tulad ng ibang mga politiko na una sa kanilang adyenda ang eleksyong 2019 kaysa ang pagtatagumpay sa pagbangon ng Marawi, kaya higit silang abala sa pag-ikot sa iba’t ibang lalawigan para magkaroon ng ‘name recall.’ Mayroon ngang isang tulisang politiko na pagkatapos lumaya sa bilangguan ay madalas sa Maynila kahit hindi siya taga-rito at nakadalawang beses na ring dinalaw ang Cebu kahit walang matinong dahilan.

Iyong isa namang taga-Mindanao ay abala sa kanyang muling pagtakbo sa Senado sa 2019 (kahit bawal na siyang tumakbo uli) kaysa mga kababayan niya sa Mindanao, kabilang na ang Marawi.

Kahit nangunguna sa sarbey para sa pagka-senador, hindi pa inaasikaso ni Imee Marcos ang halalan, sapagkat una sa puso at isipan niya ang mga suliranin ng mga ordinaryong mamamayan, partikular na ang mga taga-Marawi, mga manggagawa, mga magsasaka at mga manggagawang bukid. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply