KASAL NG PAGKAKAISA AT PAGTULONG

ANG pag-iisang dibdib nina Atty. Michael Ferdinand Marcos Manotoc at Carina Amelia Gamboa Manglapus sa San Agustin Church sa Paoay Ilocos Norte sa Nobyembre 25 ay kasal ng pagkakaisa at pagtulong.

Bakit nasabi ko ito?

Ang kasal ng dalawa ay hindi lamang tungkol sa pag-iisang dibdib ng dalawang taong nagmamahalan, kundi pagkakaisa ng dalawang angkan na noong dekada 70 – dekada 90 ang magkalaban sa pulitika.

Ang lolo ni Carina Amelia na si Foreign Affairs Secretary Raul Manglapus ay isa sa mga lider ng oposisyon na kumalaban sa lolo ni Michael na si Pangulong Ferdinand Marcos.

Noong 1972, naobligang lumipat at manirahan sa Amerika ang senador noon na si Manglapus at ang kanyang pamilya makaraang magdeklara ng batas-militar si Marcos.

Kaya, si Carina Amelia ay sa Amerika isinilang ng kanyang ina.

Nang mapabagsak ang administrasyon ni Marcos noong Pebrero 1986, bumalik si Manglapus sa Pilipinas kung saan itinalaga siya ni Corazon Cojuangco Aquino bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs.

Ang matinding banggaan nina Ferdinand Marcos at Raul Manglapus ay hindi naging balakid upang magmahalan nang labis sina Michael at Carina Amelia.

Sabi nga ng nanay ni Michael na si Ilocos Norte Governor Imee Marcos: “Talagang labs nila ang isa’t isa. Alam kong magiging matagumpay ang kanilang pagsasama.”

Paniyak, kinalimutan ng anak ni Imee ang mga nagawa ng Lolo Raul ng kanyang mahal laban sa kanyang Lolo Ferdie.

Masasabi kong napakamakasaysayan ang kasal nina Michael at Carmina Amelia dahil makikita rito ang kultura, tradisyon, at kabutihan ng mga Ilokano.

Makikita ang “patupak”, “pabitor”, kontemporaryong “binatbatan”, “panagmano” at ang pasayaw na panliligaw na “tadek.”

Ang mga ninong at ninang ay maghahandog ng regalo at magbibigay ng pera sa mag-asawa.

Ayon kay Imee, nagpasya sina Michael at Carina Amelia na ang lahat na malilikom na pera mula sa kasal ay ibibigay nila sa Marawi City para makatulong sa rehabilitasyon at pagbagon nito. (ITUTULOY) BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply