MAG-OPERATE NG LRT, MRT PAGTUUNAN NA

DAPAT nang eksperto ang pamahalaan sa paghawak ng buong operasyon ng light railway gaya ng Light Railway Transit at Metro Rail Transit.

Aba, ang tagal na nating may LRT at sinundan pa ito ng MRT.

Noon pang 1981 nagsimula ang LRT at panahon pa ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Nito namang pag-upo ni Pang. Fidel Ramos nagsimula ang MRT-3.

Sa tagal na ng sistemang tren na ganito, dapat kayang-kaya na ng gobyerno na i-operate ito, meron man o walang mga pribadong kumpanya na kasama rito.

EKSPERTO

Sa ibang salita, mga Bro, dapat nang eksperto ang pamahalaan sa pangangasiwa at pagmantina sa mga sistemang tren na ganito.

Hindi lang ang tagal ng pagkakaroon natin ng tren ang basehan.

Puno tayo ng mga sinasabing eksperto sa Department of Transportation para hawakan ang buong sistema ng tren.

May mga eksperto sa kompyuter na mahalagang bahagi ng tren.

May mga eksperto sa riles at paggawa ng mga bagon at batay ito sa mga nakaraan nang paggawa sa mga ito.

May eksperto rin sa kuryente na gamit.

May eksperto rin sa kalidad ng lahat ng gamit sa tren.

At kung kinakailangan ang manggagaling sa labas na ayuda at materyales, may eksperto rin sa pagpili sa mga ito.

Magpo-40 taon na tayong may tren na dekuryente at dekompyuter at imposibleng wala tayong nadebelop na tao at sistema na eksperto sa usaping ito.

KAKAIBANG EKSPERTO

Ang masakit nga lang, mga Bro, ibang mga eksperto ang pinahahawak natin sa sistema ng mga tren natin.

Walang iba kundi ang mga eksperto sa pagnanakaw at pandaraya.

May eksperto sa paggawa ng mga hilaw na kumpanya para sa mantinasya gaya ng mga nasa likod ng BURI na pinakahuling maintenance provider.

Akalain ba nating nahawakan ng kumpanyang ito ang kontratang P3.8-bilyon kahit nabuo lang ang kumpanya ilang araw lang bago ang pirmahan sa kontrata.

Eksperto rin ang mga bumili ng 40 pirasong Dalian na bagon sa halagang P3.8B din.

Hindi na-testing ang mga Dalian na bagon bago dinala sa mahal kong Pinas, walang sariling sistemang kompyuter at sobrang malalaki at mabigat kaya kung pinatakbo ang mga ito sa mga riles ay tiyak na wasak ang mga riles.

Nangyari lahat ng ito sa panahon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ibang klaseng eksperto ang mga ito. Sana, walang ganitong klaseng eksperto sa panahon ni Pang. Rodrigo ‘Digong’ Duterte.

SABOTAHE

Hindi imposibleng may nananabotahe sa MRT-3 at sinasabi ng mga awtoridad na may mga pinaghihinalaan na silang may kagagawan sa pagkakahiwalay ng dalawang bagon sa ulong bagon kamakailan.

Ano ba talaga ang dahilan at naghiwalay ang mga bagon habang nasa biyahe?

Naging marupok na ang mga dugtungan o mali ang pagkakalagay ng mga ito?

O kaya mali ang pinagdugtong na mga bahagi at maaaring babae sa babae o lalaki sa lalaki na dugtungan?

Anoman ang dahilan, maituturing na sabotahe ang pagpipilit na pabiyahehin ang mga tren na marupok o mali ang mga dugtungan.

At ang sabotahe ay malaki ang posibilidad na magkaroon ng malaking disgrasya.

Kapag humiwalay ang isang bagon na wala nang control sa mga kurbada o pababa na bahagi ng tren, kamatayan, maramihang kamatayan ang dulot nito.

Kasunod nito ang paninisi sa pamahalaan, na ngayo’y nasa kamay ng administrasyong Duterte.

Dapat na bantayan nang todo ang tren laban sa anomang disgrasya at agad na panagutin ang mga sangkot sa pananabotahe, kung mayroon man.

Hindi pupwedeng idamay at isakripisyo ang buhay at ari-arian ng maraming inosenteng mamamayan para lang masiraan ang pamahalaang Duterte.

MAGBANTAY, TUMULONG

Malaki ang gampanin ng mga mamamayan, ang 500,000 pasahero ng MRT-3 lalo na, para sa maayos na pagtakbo ng tren.

Isa siguro sa mga magagawa natin ay tulungan ang mga awtoridad para gumawa ng paraan na makontrol ang sakay.

Ang overloading ay nakasisira ng tren at mismong riles kaya naman, kung magagawa natin ay huwag isiksik ang sarili kapag umaapaw na ang pasahero.

Pero dapat na tugunan ng mga awtoridad ang kakulangan ng serbisyo ng tren sa usaping ito.

Kung mayroon naman tayong nalalaman na gustong manira sa serbisyong tren, dapat na mag-ulat agad tayo sa mga awtoridad upang mapigilan ang mga ganitong klaseng mapanirang mamamayan o opisyal kaya ng pamahalaan.

Walang dapat manahimik at dapat lahat ay may pakialam.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply