MAHUSAY NA OPISYAL

MASASABING isang mabuting katangian, bukod sa talino at talento, ang pagiging mapagkumbaba.

Mula sa pagiging patrolman, umabot sa ranggong koronel itong dating hepe ng District Investigation and Detection Management Division ng Manila Police District na si Supt. Rolando Gonzales, bagong upong hepe ng Abad Santos Police Station o Station 7 ng MPD.

Hindi inakala nitong si Col Gonzales na maaabot niya ang pangarap na mapwesto bilang commander ng lugar na kanyang kinalakihan.

Pagkatapos kasi sa MPD-DIDMD ay nalagay bilang station commander ng Pandacan Police Station itong si Col Gonzales na kilala ng kanyang mga ka-batch at malalapit na kaibigan at kamag-anak bilang Olan.

Naging malapit kay Olan sa mga chairman ng barangay sa Pandacan subalit hindi naging daan ito upang mapakiusapan siya sa mga kasong iligal, lalo na pagdating sa usapin ng droga.

Nakipagtulungan kay Olan ang mga chairman at opisyales ng barangay sa pagsugpo ng droga kaya naman naging maayos ang kalakaran sa nasabing lugar kung saan humupa ang bentahan at paggamit ng droga.

Noong nasa Mobile Patrol Division pa lang ng MPD itong si Col. Gonzales ay makikita na ang kasipagan nito sa trabaho kaya unti-unti siyang sumikat sa larangan ng pagpupulis.

Lamang, hindi naging malapit sa mga politiko itong si Olan bukod sa pagiging malumanay, mahiyain at mapagkumbaba dahilan upang hindi siya mailagay sa magagandang pwesto.

Kung sa ilang opisyal din lang naman ng MPD na nasa istasyon, malayo ang mga katangian ni Col. Gonzales sa mga ito.

Bukod sa malumanay makipag-usap ay hindi palasigaw, palautos at walang yabang sa katawan na ikinagusto sa kanya ng maraming barangay chairman sa Pandacan.

Inaasahang dahil sa mga katangian ng bagong station commander ng Station 7 ay magiging madali sa kanya ang kaibiganin ng mga barangay chairman sa lugar na kanyang kinalakihan.

Pero isa lang ang sinasabi ni Olan, kung maliliit na kaso rin lang na puwede namang pagbigyan, okay lang.

Subalit sa usapin ng kapayapaan at kaayusan lalo’t hinggil sa droga, ay huwag na siyang pagtangkaang lapitan dahil magkakahiyaan.

‘Yan ang opisyal ng PNP, mahusay na, may paninindigan pa. PAKUROT/LEA BOTONES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply