MAY ARAL SA NANGYARI KAY ISABEL

GAYA ng inaasahan ay inulan ng batikos ang ginawa ng dating bold actress na si Maria Isabel Lopez na pagpasok sa traffic lane na eksklusibong nakalaan para sa mga delegado ng Asean Summit.

Ang pagkakamali kasi ng aktres ay ipanangalandakan pa niya sa kanyang FB account ang ginawa niyang paglabag sa kautusan ng mga awtoridad at may hashtag pang #be like Maria na ibig sabihin ay gayahin din siya ng iba.

Dahil dito ay nagmukha siyang kontrabida kaya naman bigla siyang kinuyog ng batikos ng mga netizen at maging ng mga ordinaryong tao na ang tingin sa kanya ay mayabang at masyadong bilib sa sarili.

At dahil nainsulto na rin ang mga awtoridad sa ginawa niyang pagyayabang ay naobliga silang kumilos at ngayon ay nanganganib na bawian siya ng lisensya ng Land Transportation Office (LTO).

Bagama’t may pagkakamali si Isabel sa ginawa niya, ang pangyayaring ito ay dapat ding magiwan ng aral sa mga opisyal ng ating pamahalaan, partikular ang mga enkargado sa pagplano ng trapiko tulad ng MMDA.

Sa totoo lang ay may mahigit isang taon sila para pagplanuhan kung ano ang pinakamabuting gawin para maiwasan ang nangyaring carmagedoon noong Sabado dahil nga sa pagdating ng mga delegado ng Asean Summit.

Pero dahil tila wala namang ipinagbago mula sa mga dating rehimen ang sistemang ipinatupad ng mga nakaupo ngayon kaya nangyari ang napakabigat na daloy ng trapiko.

Ang matindi pa nito habang nagsisiksikan at hindi gumagalaw ang mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada tulad ng EDSA ay nakikita naman nila na may mga bakanteng linya na wala namang halos gumagamit.

Kaya naman hindi mo masisisi iyong mga motoristang tulad ni Isabel na ilang oras nang nababalahaw sa kalsada, na itulad sa isang taong uhaw na uhaw pero ‘di makainom kahit alam nilang may katabi silang batis na pwedeng makuhanan ng tubig.

Sa totoo lang bago pa labagin ni Isabel ang atas ng mga awtoridad ay tiyak na milyon-milyong mura na ang inaabot ng mga taga MMDA at gobyerno mula sa mga motorista na naiipit sa mabigat na trapiko.

Kaya nang maglakas–loob si Isabel na lumabag ay marami ang sumunod sa kanya at tulad niya ay nakaranas ng ginhawa sa kanilang biyahe.

Maaaring sa iba ay kontrabida si Isabel sa ginawa niya pero para sa marami na gumaya sa kanya at nakaalis sa impiyernong trapiko noong oras na iyon ay bida siya.

Para naman sa mga taga MMDA, marapat sana ay ginawa nila ang perpektong plano para nang ganoon ay hindi masakripisyo ang mas nakararaming motorista para sa ginhawa ng iilang mga bisita. OPEN LINE/BOBBY RICOHERMOSO

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply