Obispo, pabor sa extension ng Martial law

PABOR ang isang obispo na palawigin pa ang Martial law, subalit hindi sa buong rehiyon ng Mindanao.

Ayon kay Marawi Bishop Edwin dela Peña, gusto niyang palawigin ang umiiral na Martial law sa mga lugar lamang na may kaguluhan at para na rin bigyang-daan ang rehabilitasyon ng lungsod bunsod ng labis na tinamong pinsala dahil sa limang buwang digmaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Maute-ISIS terrorist.

Paliwanag pa ni Bishop dela Peña, payapa ang Zamboanga City na bahagi rin ng Mindanao kung saan matagumpay na naipagdiwang kamakailan ang National Youth Day na dinaluhan ng higit sa 2,000 mga kabataan.

Una na ring ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalawig ng Martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng taon.

Habang inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maari pang palawigin ang batas militar matapos ang Dec. 31 dahil sa nanatiling banta ng terorismo.

“For me it is unwise to put the whole of Mindanao in Martial law but specifically in areas that are in tension,” ayon kay Bishop Dela Peña.

Sinabi pa ni Bishop Dela Peña na sa Marawi ay kapwa nakaranas ng karahasan ang mga Kristiyano at Muslim bunsod na rin sa isinusulong ng Muslim extremist na Maute-ISIS na tamang pananampalataya.

Ang Marawi ang natatanging Islamic City sa Pilipinas na binubuo ng higit sa 300,000 populasyon kung saan may 90 porsyento ang mga Muslim. JOCELYN TABANGCURA-DOMENDEN

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply