Pagawaan ng paputok sumabog, 6 sugatan

SA ospital bumagsak ang anim na katao kabilang ang tatlong menor-de-edad matapos sumabog at masunog ang pagawaan ng paputok sa Sitio Lawis, Purok Judas Belt sa Brgy. Babag, Lapu-Lapu City, Cebu.

Sinabi ni PO2 Raul Ruiz, imbestigador ng Lapu-lapu City Police Station, na nagtamo ng second-degree burn ang isa sa mga biktima na nakilalang sina Isa Jane Andal at Marcia Amistad na noo’y kapwa malapit sa mga finish product.

Nalapnos din ang balat ng iba pang biktima na sina Andrew Laurel, 14, Angelo Casul, 18, Argentina Amistad, 33, at Joselito Amistad.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, kumalat ang apoy sa nasabing pagawaan nang biglang mag-spark ang pulbura na ipinasok ng isang Jonathan sa paputok na bawang.

Mabilis umanong kumalat ang apoy sa mga finish product na nakalagay lang malapit sa nasabing paputok kaya ito sumabog.

Mabuti nalang at malayo sa mga kabahayan ang pagawaan ng paputok kaya hindi na lumaki pa ang sunog.

Lumabas din sa imbestigasyon na walang permit ang pagawaan ng paputok ni Amistad na dating nagtatrabaho sa isang factory ng paputok sa lungsod ng Lapu-Lapu.

Kaugnay nito, siniguro naman ng Police Regional Office 7 na kanilang i-implement ang executive order na nilabas ni Presidente Rodrigo Duterte kaugnay ng pag-regulate ng pagtitinda at pagawa ng mga paputok para hindi na maulit ang nangyari sa Lapu-Lapu City. BOBBY TICZON

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply