SSS anomaly, papasukin na ng Kamara

POSIBLENG imbestigahan ng House Committee on Good Government and Public Accountability ang alegasyon ng personal profiteering laban sa apat na opisyal ng Social Security System (SSS) sa pamamagitan  ng stock trading.
Ito ang sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, chairman ng komite, matapos ang pormal na paghahain ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ng resolusyon para imbestigahan ang naturang kontrobersiya.
Batay sa House Resolution 1434, pinaiimbestigahan ni Zarate sa komite ang umano’y conflict of interests and profiteering laban sa apat na opisyal ng SSS.
Kasunod ito ng paghahain ng reklamo ni SSS Commissioner Jose Gabriel La Viña laban kay Executive Vice President for Investments Rizaldy Capulong at sa tatlong iba pang opisyal dahil umano sa paggamit ng kanilang posisyon para sa kanilang personal umanong interes.
Kabilang sa mga isinasangkot sa anomalya  sina Equities Investment Division chief Reginald Candelaria, Equities Product Development head Ernesto Francisco, Jr. at Chief Actuary George Ongkeko, Jr.
Binigyang-diin ni Zarate sa kanyang resolusyon na hindi naman patas para sa mga miyembro ng SSS na magdusa sa planong dagdag na kontribusyon dala na rin sa posibleng negative implications ng kontrobersiya.
Ayon kay Pimentel, umaasa siyang papanagutin ng Social Security Commission, governing board ng SSS ang mga nasabing opisyal kapag napatunayang nagkasala.
Naunang naghain ng hiwalay na resolusyon si House Committee on Banks and Financial Intermediaries Chairman Ben Evardone para paimbestihan ang naturang stock trading scandal.
Nakapaloob naman sa House Resolution 1433 ni Evardone ang paghikayat na imbestigahan ang umano’y stock trading anomaly na nauwi sa “investments opportunity losses” ng ahensiya. MELIZA MALUNTAG

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply