TOTOONG BAYANI

ILANG beses na nga bang nasira ang imahe ng Philippine National Police dahil lang sa katarantaduhan at kalokohan ng iilang miyembro nito? Ilang beses na bang nawalan ng tiwala ang mga mamamayan dahil sa kamalasaduhan at kabugukan ng ilang opisyal ng PNP at miyembro nito?

Magkagayunman, sino ba ang tinatawagan at hinihingian ng tulong ng mga nagkakaproblemang mamamayan pagdating sa usapin ng kapayapaan at kaayusan?

Siyempre ang ating kapulisan. Kasi naman, hindi lahat ng pulis ay walanghiya. Hindi lahat ay ginagamit ang posisyon para magkamal ng salapi.

Masasabing merong mangilan-ngilan na nagsasamantala sa kanilang trabaho at puwesto pero mas marami ang nagbubuwis ng dugo at buhay, nagpapatulo ng pawis at nagpapakahirap para magampanan ang kanilang sinumpaang tungkulin sa mamamayan sapagkat nais nilang ipagmalaki sila ng kanilang mga anak.

Tulad na lang ng nangyaring salpukan sa pagitan ng mga pulis ng National Capital Region Police Office at mga raliyesta na ikinasugat ng ilan.

Masasabing hindi lang ang mga Overseas Filipino Workers ang mga bagong bayani kundi maging ang ating mga pulis na nais maging maganda ang imahe ng Pilipinas sa mga mata ng mga dayuhang bumibisita sa bansa para sa ASEAN Summit kaya handang masaktan para lang sa Inang Bayan.

Kapuri-puri ang ginawa ng mga pulis dahil ipinakita nila ang kanilang tiyaga, haba ng pasensiya at pag-unawa sa mga nanggugulong raliyesta na dapat sana ay pinatulan nila sualit hinarang lang sila at nang maunang manggulo ay tsaka lang gumawa ng hakbang para hindi makalusot at mas lalong masugatan ang nagpupimilit na manggulo sa okasyon.

Nang masaktan ang ilan sa pulis dahil sa dahas ng mga raliyesta, kaagad na dumating ang nagmamalasakit sa kanyang mga tauhan na si Dir Oscar Albayalde, hepe ng NCRPO. Kinalinga at binigyan ng mga salitang makagagaan sa kalagayan ng mga nasugatan niyang tauhan.

Hindi kailangang magkaroon ng patayan at mga sugatan para kilalaning bayani ang nagsisilbi sa bayan. Basta nagsisikap na maiayos ang kalagayan ng bayan at nagsisikap na magkaroon ng kapayapaan, dapat ituring na mga bayani. Mabuhay si Gen Albayalde at ang NCRPO cops.

Happy Birthday, Gen Oscar Albayalde at Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar, Quezon City Police District Director. PAKUROT/LEA BOTONES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply