1-year extension ng Martial law sa Mindanao, aprub sa Kongreso

INAPRUBAHAN na ng Kongreso ang pagpapalawig nang isang taon sa Martial law sa Mindanao gaya ng hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa botong 240 na pabor at 27 na tutol ay naaprubahan ang Martial law extension mula sa January 1, 2018 hanggang December 31, 2018.

Magkahiwalay na bumoto ang mga senador at kongresista.

Umabot sa 226 na kongresista ang pumabor at 23 tutol samantalang sa panig ng senado ay 14 ang pabor at apat lamang ang tumututol.

Kabilang sa mga tumutol sa senador ay sina Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senador Risa Hontiveros, Francis Pangilinan at Bam Aquino samantalang tumutol naman sa panig ng mga kongresista ang miyembro ng Makabayan Bloc at Magnificent 7 sa pangunguna ni Albay Rep. Edcel Lagman.

Sa isinasagawang joint session, isa sa mga tumayo si Lanao del Norte Rep. Mohamad Khalid Dimaporo upang kumpirmahin na suportado ng kanyang mga constituents ang deklarasyon ng Martial law at ang pagpapalawig pa nito nang isang taon.

“Sa lalawigan natin when we hear Martial law, nalipay (natuwa) kami. We feel safe. We feel secure because we trust our Armed Forces of the Philippines wholeheartedly. So when there’s a request for Martial law to be extended as far as the province of Lanao del Norte you have our 101 percent support,” ayon sa batang Dimaporo.

Ngunit binigyang-diin nitong hindi kakayanin ng militar ang pagpapanatili ng kapayapaan sa lugar at kinakailangan din ang tulong ng kapulisan at maging ng mga local na opisyal.

Sa panig naman ni Lanao del Sur Rep. Mauyag Papandayan, kinumpirma nito ang naunang pahayag ni Executive Secretary Salvador Medialdea na marami pang teroristang miyembro ng Maute ang ngayon ay patuloy na nangangalap ng miyembro at patuloy na kumikilos sa iba pang bahagi ng rehiyon.

Naniniwala rin aniya ang mga taga-Lanao del Sur na tanging Martial law lamang ang solusyon sa napakatagal ng kaguluhan sa kanilang lugar. MELIZA MALUNTAG

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply