2 akyat-bahay tiklo sa QC

AABOT sa P800,000 ang natangay ng dalawang akyat-bahay mula sa isang bahay sa Brgy. San Martin de Porres, Quezon City.

Matapos ang ikinasang operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 ay naaresto ang mga suspek na sina Darwin Llumabas, 26, ng Brgy. Old Balara, at Erwin Abantot, 29, ng naturang barangay din.

Ayon sa biktima na hindi nagpabanggit ng pangalan, nagbakasyon ang kanyang pamilya sa Baguio noong December 23 at gamit ang kanilang online CCTV monitoring system ay tiningnan niya ang kanilang bahay kung saan nakita niyang nilooban na ito.

Agad na umuwi ang pamilya at dinatnang magulo ang kanilang tahanan.

Kabilang sa tinangay ang isang TV, ilang laptop at cellphone, mga alahas, relos, at cash na narekober naman ng mga awtoridad, ngunit marami rito ay nadispatsa na ng mga suspek.

Bagaman na-trauma at nalungkot dahil nasira ang kanilang pagdiriwang ng Pasko ay laking pasasalamat ng pamilya sa mga pulis dahil sa pagkakahuli ng mga suspek. JOHNNY ARASGA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply