2018 budget lalagdaan na – Sen. Loren

NAKATAKDANG lagdaan ngayon ni Pangulong Duterte ang P3.767-trilyon na pambansang badyet para sa 2018 na pawang tutugon sa pangangailangan ng mahihirap, ayon kay Sen. Loren Legarda kahapon.

Sa pahayag, partikular na tinukoy ni Legarda ang pagtaas sa pondo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na lumobo mula sa dating P128-bilyon tungo sa P141-bilyon upang bigyang-prayoridad ang mahihirap.

“Niratipika na ng Kongreso ang badyet kaya nakatakdang lagdaan ito ni Pangulong Duterte ngayon, Disyembre 19, 2017,” ayon kay Legarda.

Ayon kay Legarda, ang badyet sa susunod na taon ay pawang pondo para sa tunay na reporma at pagbabago.

“Kailangan panatilihin ng gobyerno ang suporta nito at tugunan ang pangangailangan ng mahihirap – mga mamamayan na biktima ng kahirapan sa loob ng maraming panahon sanhi ng maling pamamahala at kakapusan ng tulong ng pamahalaan na dapat silang umunlad,” giit ni Legarda.

“Dapat tratuhin natin ang mahihirap nang may dignidad at respeto,” aniya.

Kabilang sa binigyan ng prayoridad ng pamahalaan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang flagship project ng DSWD na nabigyan ng P89-bilyon.

Sinabi pa ni Legarda na inatasan ng badyet ang ahensiya na magsagawa ng capacity building programs upang maihanda ang 4Ps beneficiaries kapag may kalamidad at turuan silang magtanim ng gulay at magtatayo naman ng rain water catchment basin ang ahensiya.

“Kailangan maturuan natin ang 4Ps hinggil sa lumalalang banta ng pagkasira ng kapaligiran, climate change at kalamidad, at turuan din sila ng pamamaraan upang tugunan ang kanilang pangangailangan sa antas ng komunidad. Dapat nang pakawalan natin ang mahihirap sa walang katapusang siklo ng kalamidad at kahirapan,” ayon kay Legarda.

Naglaan din ang Kongreso ng P2-bilyon upang kumpunihin ang mga DSWD Centers, ipambili ng welfare goods, at P80-milyon ang inilaan naman sa pagtatayo ng pasilidad upang kalingain ang kabataan na biktima ng paglabag sa batas.

Umabot naman sa P1.25-bilyon ang inilaan ng pamahalaan para sa Quic Response Fumnd para sa rehabilitasyon at relief programs kabilang paghahanda ng relief goods at kagamitan sa komunidad na apektado ng kalamidad, epidemya, krisis at sigalot. ERNIE REYES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply