9 MPD policemen guilty sa pagpatay sa OFW

HINATULAN ng Manila Regional Trial Court (RTC) ang siyam na pulis sa pagpatay kay Esmael Omar na napagkamalang isang rebelde pero isa palang overseas Filipino worker (OFW).

Sa 94-page ruling na petsang Nob. 9 pero kaninang Huwebes lamang ng umaga ibinigay sa media, sinentensyahan ng Manila RTC Branch 41 ang mga pulis ng 6 – 12 taong pagkakabilanggo.

Ang mga nasentensyahan ay nakilalang sina SPO4 Wilson Tirso Tibor, SPO4 Remigio Estacio, SPO3 Edgardo Abaga, SPO2 Julian Siriban, SPO2 Eduardo Ramos, PO3 Randy Dimayuga, PO3 Ronald Hernandez, PO2 Philip Malindog at PO1 Ignacio Garlan.

Noong Hunyo 8, 2000, pinagbabaril at napatay ng mga pulis si Omar at ang kasama nitong si Samin Akmad sa Quiapo, Manila, matapos akalain ng mga pulis na sila ay Moro Islamic Liberation Front (MILF) rebels.

Napatay ang dalawa sa kasagsagan ng bomb scare sa Metro Manila.

Iginiit ng mga pulis na lehitimo ang kanilang operasyon at dinedepensahan lamang nila ang sarili.

Gayunman, sinabi ng prosecution witness na si Linang Anguso na ang dalawang napatay ay OFWs na nakatakdang umalis papuntang Jeddah sa susunod na buwan.

Sa nasabing ruling, sinabi ng korte na nagpakita ang mga pulis ng “determined effort” para sila ay patayin at hindi para depensahan ang kanilang sarili.

“Even if this Court would consider that he (Omar) was in possession of a revolver as posed by the defense, the multiple gunshots he sustained which led to his death cannot, by any stretch of imagination, be deemed as an act of self-preservation on the part of the accused police officers,” saad sa ruling.

Habang kasong murder ang isinampa para sa pagkatay ni Akmad, pinawalang sala ng Manila RTC ang mga policemen dahil ang itinuturo lamang ng prosecution witness ay si Tibor ang bumaril.

“Further guided by the onus probandi (burden of proof) in criminal cases which requires moral certainty, this Court finds and so holds that acquitting the six accused of the first charge (Akmad’s death) would be in keeping with the ends of justice,” pahayag ng korte.

Maliban sa pagkakakulong, iniutos din ng Manila RTC sa mga pulis na bayaran ang ‘heirs’ ni Esmael Omar ng halagang P75,000 para sa death indemnity, P75,000 para sa moral damages, at P30,000 para sa exemplary damages. BOBBY TICZON

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply