AKUSASYONG WALANG BATAYAN

MABABAW at walang basehan daw ang mga akusasyon ni 3rd District Congw. Ria Vergara kay Nueva Ecija Gov. Cherry Umali kaugnay sa mga operasyon ng quarry sa nasabing lalawigan at nagpapansin lang daw ang nasabing mambabatas.

Gayunman, ipinahayag ng gobernadora ng Nueva Ecija na hindi siya papatol sa mga ganitong kababaw na argumento para bigyan ng katwiran ang mali at malisyosong pagkukuwenta sa kita ng mga quarry.

Una ay kumpleto ang records at talaan hinggil sa quarry na anytime raw ay pwedeng silipin ang records para mapatunayan na mali ang akusasyon ni Madam Ria.

Pangalawa tila raw dinagdagan o pinalaki ni Cong ang mga numero na ayon sa mambabatas ang bawat truck daw ay naglalaman ng 15 metro kubiko ng graba o buhangin na sinisingil daw ng Kapitolyo ng P450 (mali raw ito) dahil may nakaakibat daw na Ordinansa No. 3. ‘Yun bang ang singilan ay P308 kada truck na may laman ng 14 metriko-kubiko.

Mali-mali rin daw ang kuwentahan sa operasyon ng quarry sa loob ng 365 araw sa isang taon. Siyempre walang quarry ‘pag tag-ulan dahil baha ang mga ilog at ang hatian sa kita ng quarry ay hanggang doon lang sa buwis sa graba at buhangin. ‘Di puwedeng isama ‘yung iba pang binabayaran tulad ng operation fees (ika nga walang gulangan).

Ang Kapitolyo ay may regulatory powers sa mga quarry na ang sukat ay 5 ektarya pababa at kung tumaas pa rito ay kontrolado na po ito ng DENR (O ano pa Ma’am Ria?). Isa pa ang quarry permit daw ay hanggang 1 hektarya lang dahil hindi puwede ito na basta na lang iku-quarry ang lahat ng ilog dahil kailangan ay isipin kung ano ang magiging epekto ng quarry sa kalikasan at kapaligiran (Miss Vergara).

Gayunman, nagbibigay raw ng “Gratuitous Permits” ang Kapitolyo sa mga munisipyo, pati mismo raw sa Cabanatuan City. Bukod pa ang napakarami na raw naibigay rito na ang pinakahuli ay nitong Sept. 27, 2017.

Pero ang sabi pa ng Kapitolyo, alam na alam ni Madam Ria na ang Cabanatuan City, meron at walang permits, ay patuloy ang quarry na hindi lang sa Cabanatuan kundi maging sa labas ay patuloy silang nagku-quarry kahit hindi nila teritoryo. Hayun naman pala, e, ano pa?

Ang panglima, hindi raw pwedeng ikumpara ang Pampanga sa Nueva Ecija dahil bilyong kubiko-metriko ang naka-imbak na lahar na buhangin sa Pampanga dahil sa pagsabog ng Mt. Pinatubo noong 1991at ang graba at buhangin sa Nueva Ecija ay nakukuha lang sa baybay ng kanyang mga ilog.

Ang pinakahuli ayon sa Provincial Administrator na si Atty. Alejandro Abesamis, dapat daw ay sinusuri ni Miss Ria ang kanyang argumento at ang kanyang mga mahihiwagang numero at datos dahil hindi raw magandang ugali sa isang mambabatas gaya ni Cong. Ria na basta na lang nagbibintang nang mali-mali ang datos. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply