BILYONES KUNG RUMAKET, IMBESTIGAHAN SILA

GRABE talaga kung rumaket ang mga kakosa ni ex-Pangulong Benigno Aquino III.

Bilyones at ginawa ang mga ito bago umalis sa puwesto si ex-PNoy.
Ngayon ay nabubuking ang lahat o nauungkat kaya makaraang patulugin o pagtatakpan ang mga ito noong panahon nila.

Hindi umubra ang Matuwid na Daan na kanyang halos araw-araw na ibinabandera noon.

P3.5B DENGVAXIA

May nagsasabi ngayon na parang minadali ng pamahalaan ni ex-PNoy ang pagbili ng bakuna kontra sa dengue.

‘Yun bang === Dengvaxia.

Sabi ng mga kritiko, mga Bro, malapit na umano kasi noon ang halalang 2016 at gusto ng Liberal Party na makatulong sa panalo ng kanilang kandidato ang pagbabakuna laban sa dengue.

Ang kaso, delikado pala ang bakuna dahil kapag nagamit ito sa mga taong hindi pa nade-dengue, kapag tinamaan na ng dengue ay grabe pala ang atake ng sakit.

Pero may mas mahalaga umano na usapin dito ay walang iba kundi may gustong kumita sa halagang P3.5 bilyong ipinambili ng gamot.

Ngayon, paano ang nainiksyunan na nasa 700,000 katao at nasa mahigit sa 300,000 mamamayan sa panahon ni Pang. Rodrigo Duterte.

P3.8B MVLPSP

Bago nabuking ang P3.5B Dengvaxia, naging kontrobersyal na ang P3.8B iskam din sa bagong anyo umano ng plaka ng sasakyan.

Kita naman ninyo, mga Bro, hanggang ngayon, marami pa ang hindi nakakabitan ng bagong plaka kahit matagal nang nagbayad para rito ang milyon-milyong may-ari ng mga sasakyan, mula motorsiklo hanggang sa mga taxi, jeep, bus, kotse, truck, trailer at iba pa.

Sabi nila, may kumita ng malaki sa Motor Vehicle License Plate Standardization Program.

Akalain mo, kahit ang mga bagong plaka ay natamaan at nagdoble bayad ang mga mamamayan.

P3.8B DALIAN

Batid na ng lahat kung paano niraket ang pagbili ng Dalian na bagon para sana sa MRT-3.

Anak ng tokwa, hindi sinukat ito at nang dumating ang mga bagon, sobrang malalaki at mabibigat pala at madidiskaril ang mga riles kung patatakbuhin ang mga ito.

Hindi rin tinesting ang mga ito, walang computer system at kung meron man ay hindi naman tugma o compatible sa sistema ng MRT-3.
Sino naman ang kumita rito?

P3.5B BURI

Bago bumili ng bagon na Dalian sina ex-PNoy, kinontrata muna nila ang Busan Universal Railways, Inc.

Minaniobra na ang panalo nito sa bidding o pagkakuha nito sa kontratang P3.5 bilyong kontratang mantinansya, sinasabing minaniobra pa umano ng BURI ang lahat ng trabaho nito.

Akalain mo, matagal nang pinasusubasta ang maintenance contract pero itong Buri ang nakakopo ng kontrata ilang araw lang bago mairehistro bilang kumpanya sa Securities and Exchange Commission.

At sa haba ng panahon na may kontrata ito, sinasabing wala itong naipundar na materyales na kakailanganin ng MRT-3 at wala ring gaanong serbisyo na naibigay nito kaya naman, naririyan na ang maya’t maya na pagkasira ng tren.

P8.7B RIGHT OF WAY

Hindi nakuntento ang mga iskamero sa pa-P3B+ na mga kontrata.

Pinalakihan nila ng konti ang mga iskam at umabot ito sa P8.5B na road right of way sa General Santos City.

Peke raw ang mga road right of way na ito at mismong si GenSan Mayor Ronnel Rivera ay walang kaalam-alam dito.

Hayan ngayon at gusto ni Mayor Rivera na maimbestigahan ang kaso.

Marami umanong lupa ang nagkaroon ng mga pekeng may-ari at naningil sa Department of Budget and Management noon.

Naglabas din naman umano ng pambayad ang DBM.

IMBESTIGAHAN

Kung iisipin, mga Bro, maliliit na halaga ang mga ito kung ikumpara sa mga naiwan nilang kontrata sa LRT at superhighway na umaabot sa P65B ang isa sa mga ito, gaya ng Extension ng LRT sa Cavite at ang MRT-7 na nasa P50B ang halaga.

Baka isang araw ay lulutang din ang mga iskam dito.

Aba, imbestigahan nang todo ang mga kumita rito.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply