BYE, BYE 2017, HELLO 2018

MAGANDA, MAY HAMON, masaya, malungkot ang buong taon na ibinigay sa atin ng taong 2017.

Maganda dahil kahit anong hamon sa ating bansa, mamamayan at liderato ni Pangulong RODRIGO ROA DUTERTE ay nalagpasan natin ang lahat.

Mula sa pangunahing laban kontra iligal na droga hanggang laban kontra mga terorista sa Marawi City ay matagumpay ito na nalagpasan.

Maski nga ang magulo na pero ginugulo pa na pulitika ay naisantabi rin.

Ito’y dahil mismo ang taumbayan ay tumatalikod sa mga patutsada ng mga punyetang kritiko at oposisyon sa administrasyong DUTERTE.

Dinumog tayo ng mga malalaking bansa sa mga alegasyon na kinopya mula sa oposisyng lokal pero nasagot lahat ang usapin dahil wala naman talaga silang kongkreto na batayan para lalo pang pag-usapan.

Mas gusto ng mamamayan na makita ang unti-unting pagbabago sa ating lipunan.

Umabot na nga sa yugto na marami ang nanawagan kay MAYOR DIGONG na ideklara na niya ang isang REVOLUTIONARY GOVERNMENT para mapadali ang pagwawalis, paglilinis at totoong pagbabago ng nabubulok natin na lipunan.

Aminin o hindi, ang mga politiko natin ay muling nagpakita ng kanilang mga kulay.

Nang maupo si Pangulong RODY, kumbaga, isang tricycle lang ang sinakyan ng PDP LABAN pero nang manalo, kulang na ang mahabang tren ng PNR!

Iyan ang pulitika natin eh. Puro pagsasamantala.

Talo pa ang mga bubuyog at paru-paro sa bilis ng paglipat.

Masakit lang na totoo, ‘yung mga kailangan na todong suporta sa mga programa ng DUTERTE administration ay kulang na sa sukat, timbang at taas, lalo pang pinigil ng mga tradisyunal na politiko.

Pero sabi nga, okay na rin. Iyan ang kabuuan ng 2017 sa ating buhay.  Masarap, matamis, maasim, mapakla at masakit.

Lamang tapos na ang taon at papasok na ang 2018!

Bye, bye 2017. Hello and welcome 2018. Para sa atin, panibagong yugto ito sa ating buhay.

Ano naman kaya ang makikita at mapapala natin ngayon Bagong Taon? Nakahanda na ba tayo para sa mga bagong hamon sa ating buhay?

Para sa atin simple lang naman ang kailangan patungo sa daan ng pagbabago.

Unahin natin baguhin ang ating sarili at ibalik ang sigla ng buhay. Hindi kailangan mayaman tayo sa pera at mga bagay.

Gawin natin produktibo tayo at huwag maging palaasa. Kayang-kaya natin iyan.

Maghanda na tayo sa bagong susuungin natin sa taong 2018.

Sama-sama bilang tunay na Filipino! BALETODO/ED VERZOLA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply