CHR GINAGAMIT NG CPP-NPA

KABULASTUGAN na naman itong gustong mangyari ng grupong Gabriela na imbestigahan at panagutin ang anila’y “overkill” sa pagkakapatay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) troops sa 15 New People’s Army sa Nasugbu, Batangas.

Nagngangangawa ang makakaliwang grupo at iginigiit na mangialam ang Commission on Human Rights (CHR) partikular na ang pagkamatay ng dalawang estudyante na kasa-kasama ng NPA guerilla sa naturang madugong engkuwentro.

Ano ang ginagawa ng dalawang mag-aaral sa pagsama sa grupo ng mga armado lulan ng dalawang jeep na nasabat ng mga sundalo?

Ayon sa Gabriela, ang dalawang estudyante, isa mula sa University of the Philippines-Manila at ang isa pa mula sa Polytechnic University of the Philippines ay nasa “fact-finding mission” daw.

Matagal nang iskrip ‘yan, sabi ng AFP, at matagal nang nagre-recruit ng mga estudyante ang Communist Party of the Philippines at NPA.

Kung mga sundalo ang tinatambangan sa daan ng NPA, nag-iimbestiga ba ang CHR?

Ngayon lumilitaw na pati ang CHR ay ginagamit na rin ng CPP/NPA sa propaganda at hangarin nitong pagpapatalsik sa gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.

At dahil tila wala nang pagkakaiba ang CPP/NPA sa teroristang Maute Group at Abu Sayyaf Group, masasabi na ring kasangkapan ng mga terorista ang CHR.

Kung bakit ibinalik pa ang pampublikong pondo ng punyemas na komisyon na iyan!

Dapat ipinako na lang sa P1 ang pondo niyan. DEADSHOT/ERWIN TULFO

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply