Culiat drug den sinalakay, P100K shabu nakumpiska

AABOT sa P100,000 halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad makaraang salakayin ang hinihinalang drug den sa Brgy. Culiat, Quezon City kaninang madaling-araw, Disyembre 7, Huwebes).

Ayon kay Quezon City Police District Director (QCPD) Police C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, kinilala ang nadakip na suspek na si Derek Navado Framil, ng No. 12 Bernadette St., Villa Lourdes Subd., Brgy. Culiat, QC.

Sinabi ni Eleazar na si Framil ay nasa ilalim ng monitoring at surveillance ng mga awtoridad matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa illegal activities ng suspek at ginagamit ang kanyang bahay sa drug den.

“Nakatanggap din po tayo ng impormasyon na itong suspek ay may baril kaya po tayo nag-apply ng search warrant at nung i-implement natin ay nakumpiska sa kanya ang isang cal. 45 pistol, isang cal. 38 revolver, maraming mga bala, at 30 plastic sachets na naglalaman ng shabu at may street value na Php100,000. Marami ding natagpuang mga drug paraphernalia sa loob ng bahay ng suspek, patunay na ginagawang drug den nga ito,” ani Eleazar.

Sa ulat, nadakip ang suspek makaraang salakayin ang bahay nito ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) sa ilalim ni P/C Insp. Ferdinand Mendoza, anti-drug unit ng QC Talipapa Police Station (PS-3) sa ilalim ni Supt. Danilo Mendoza at Philippine Drug Enforcement Agency, National Capital Regional Office (PDEA-NCRO) sa isang subdivision sa Brgy. Culiat, Quezon City dakong 12:45 ng madaling-araw.

Bukod sa iligal na droga, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang mga kalibre ng baril na walang lisensya.

Kasalukuyan nang nakapiit ang suspek at nahaharap sa kaso. SANTI CELARIO

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply