DEATH THREATS KAY CANLAS AT PASAY CITY LIONS

“3 kmi ang papatay syo, marami ka na kasalanan sa amin, magbilin ka na sa asawa at anak mo, bago ka mamatay.”

Ito ang nilalaman ng isa sa dalawang text message na ipinukol kay kapatid na si Jomar Canlas, reporter ng The Manila Times at naka-beat sa Supreme Court-Court of Appeals at Department of Justice sa Lungsod ng Maynila.

HINDI KILALA

Dumating kay Canlas ang mga death threat sa pamamagitan ng text messages ngunit mula sa isang cellphone number na hindi niya kilala.

Hindi nakarehistro sa phonebook ni Canlas ang number.

Pero ito ang masasabi natin: Sa kasaysayan ng katarungan, mahaba ang kamay ng batas at mas mahaba pa ito sa kamay ni lastikman.

Magtagumpay man ang gustong pumatay kay Canlas at hindi ito agad mahuhuli, darating at darating ang araw na lilitaw ang katotohanan at mananagot ang dapat na managot.

Ganito rin ang ating paniniwala sa mga nauna nang biktima ng media killings na unknown ang mga salarin.

IMPEACHMENT KAY SERENO

Isa sa mga maaaring pinagmulan ng death threat kay Canlas ang pagtestigo nito sa kasong impeachment na inuusisa ng Kamara ngayon.

Sinabi ni Atty. Larry Gadon, ang nagpapa-impeach kay Chief Justice Lourdes Sereno, na kinumpirma ni Canlas na minaniobra ni Sereno ang isang temporary restraining order noong 2013.

Sinabi pa ni Gadon na nakuha ni Canlas ang impormasyon mula kay Associate Justice Teresita Leonardo De Castro.

Gayunman, itinanggi ni Canlas na naging source niya si De Castro at hindi siya umano nagsabi kay Gadon ukol sa usapin.

INIIMBESTIGAHAN PA

Iniimbestigahan pa ng House committee on justice ang usapin at wala pang nakaaalam kung ano ang lalabas na resolution ng nasabing komite.

Pero ang punto rito, bibihirang magkamali ang reporter o mediaman sa kanyang mga ulat, lalo na kung delikado ang usapin.

Hinihimay-himay ng mediaman ang kanyang ulat bago niya pakawalan at kasama rito ang pagsandig sa source at ebidensya.

Saka na lang nito isusumite sa kinauukulan ang kanyang ulat kung solido na ang lahat o may basehan.

Sakaling ang ulat ni Canlas ang nag-trigger ng death threat, hindi kaya may katotohanan talaga ang kanyang ulat?

SUPORTA

Nagpahayag ang mga grupo ng mediamen na naka-beat sa nasabing tatlong ahensyang pangkatarungan ng suporta kay Canlas at iisa ang kanilang pahayag: Labag sa kalayaan sa pamamahayag ang death threat at kinokondena nila ang gawaing ito.

Justice Reporters Organization at Justice and Court Reporters Association ang mga organisasyon nagbigay-suporta.

Gayundin na umaksyon na si Assistant Secretary Joel Egco, ng Presidential Task Force on Media Security.

At nagbigay na rin ng seguridad ang Manila Police Department.

Nasa likod ni Canlas ang ULTIMATUM. Trabaho ng isang mediaman ang mag-ulat ng nasagap niyang balita at para sa kabutihan ito ng buong bayan.

Kaya dapat lang na mabigyang-laya ito na gumampan ng kanyang tungkulin at hindi dapat na wakasan ang kanyang buhay at takut-takutin upang tumigil ito sa kanyang sinumpaang tungkulin na tagasiwalat ng katotohanan.

MGA BATA TUMATALINO

Kahapon ay muling naghatid ng kaunting pagkain ang Pasay City Host Lions Club sa Apelo Cruz Elementary School, sa Malibay, Pasay City.
At masayang ibinalita ni Sir Tirso, principal ng nasabing eskwelahan, na tumatalino, sumisipag sa pagpasok at gumaganda ang kalusugan ng mga batang mahihirap at mag-aaral dahil sa mga pagkain na programa ng eskwela bilang programa rin ng pamahalaang Duterte sa pamamagitan ng Department of Education.

May 120 araw umano ang feeding program at araw-araw nila itong isinasagawa, basta may pasok sa iskul.

Tatlong buwan naman ang programa ng PCHLC para sa mga batang ito. Pinamunuan nina PCHLC 1st Vice President Zeny Chingkiat at Past President Winston Chingkiat ang grupo.

Kabilang sa mga nakiisa sa naturang feeding program ang iba pang opisyal ng PCHLC na sina Tail Twister Joy Base at mga Director na sina Baby de Leon, Fred Cabalbag at Lydia Bueno.

Gaano man kaliit ang kontribusyon ng ating organisasyon sa nasabing feeding program, isa na ring malaking kasiyahan ang ating nadama sa pagkakaroon ng kaalaman na sa pamamagitan ng feeding program ay nagkakaroon ng pagganda ng kalagayan ng mga mag-aaral na mahihirap.

Kudos sa inyo, Sir Tirso at faculty members ng ACES at mga nanay sa inyong dedikasyon sa pagpapalaki ng mga bata bilang mga pag-asa ng bayan.

Kasabay nito, nagtungo naman sa Padre Burgos Elementary School ang ibang kasamahan natin sa PCHLC sa pangunguna ni Pres. Alan Co at namahagi sila ng mga eyeglass na kailangan din ng mga estudyante at guro na may kapansanan sa paningin.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply