DELIKADO ANG DENGVAXIA

AYON sa mga awtoridad, delikado ang Dengvaxia na bakuna laban sa dengue para sa mga hindi pa natatamaan ng dengue.

At mismo ang Sanofi Pasteur ang nagsasabi nito.

Maaari pa nga umanong mas matindi ang dating ng dengue sa mga nabakunahan na hindi pa tinatamaan ng dengue.

Ngayon ay nasa 700,000 na ang nababakunahan sa buong Pilipinas at nasa 70,000 dito ang hindi pa nagkakasakit ng dengue.

Kung saka-sakali, ang 70,000 na ito ang dadalihin ng matinding dengue kung matamaan sila.

Ipinaliliwanag ng Sanofi Pasteur na suki na nila ang ilang bansa, kabilang na ang Pinas, ngunit naghahanda na umano ito na baguhin ang mga impormasyon nito sa pagsasabi o paglalagay ng babala na hindi pupwedeng gamitin ito ng mga hindi pa nagkaka-dengue.

Pero kasabay nito ang katwiran nilang noong mga unang araw na testing nila ay epektib ang Dengvaxia kaya naman okey sa kanila ang naging programa ng mga pamahalaan na gawing pamigil o preventive ito laban sa dengue.

Kaya naman, naging paspasan ng pagbabakuna maging sa mga hindi pa nagkakasakit.

Ngayon lang nagbago ang lahat makaraan ng tuloy-tuloy na testing dito.

At ang masama, matindi na ang kalagayan dahil napasubo na ang nasa 70,000 na nabakunahan.

Ang tanong ngayon: Paano panagutin ang Sanofi Pasteur dito?

Isa pang tanong: Paano ang paghahanda ng mismong pamahalaan sa darating na kalamidad dahil sa pagbabakuna sa 70,000?

Ang daming tao niyan na kung daragsa sa mga ospital ay baka hindi kayang kargahin lahat ng mga ospital.

Maalala natin, agad na kinagat ng Department of Health ang alok ng Sanofi Pasteur na Dengvaxia at bumili ang DOH ng halagang P3.5-bilyon.

Napakabilis ang aksyon ng DOH at daan libo kaagad ang binakunahan.

Nadamay na nagbakuna ang DOH sa ilalim ng Duterte administration at salamat na lang na inihinto kaagad ng DOH-Duterte ang pagbabakuna bago maabot ang isang milyong Pinoy.

Heto ang isa pang tanong: May kumita ba sa P3.5B na opisyal ng DOH at taga-Malakanyang noon?

Alalahanin na hanggang Malakanyang ang approval ng ganyang halaga ng bilihin ng gamot at iba pa.

Kung may kumita, sino-sino kaya silang mga korap at mandarambong na ‘yan? PAKUROT/LEA BOTONES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply