KARAPATANG PANTAO, KARAPATAN NATING LAHAT

IBINALIK na uli ang Philippine National Police o PNP sa pagsugpo sa iligal na droga. Iniutos ito ni Pang. Rodrigo Duterte, dahil daw sa lumala muli ang problema sa droga. Magiging dagdag-pwersa ang PNP sa PDEA na siya pa rin namang lead agency sa giyera laban sa droga.

Dagdag pa ni Pang. Duterte, mukhang kailangan pa niya ng isang taon para tuluyan nang matapos ang problema sa droga. Hindi umano niya akalain na ganoon kalawak at kalala ang problemang ito ng bansa.

Umalma ang ilang grupo sa desisyong ito. Sabi nila, baka magbalik na naman ang halos araw-araw na patayan, dahil daw sa mga nanlaban na aarestuhin dahil sa pagbebenta o paggamit ng shabu.

At pwede na naman daw umabuso ang mga pulis.

Puro naman daw kasing mahihirap at uhugin ang mga napapatay, at wala namang mga big time o mga “drug supplier” ang nahuhuli at nakakasuhan o napapatay. Lahat kasi halos ng biktima, galing sa mahihirap na lugar.

Dito pumapasok ang tensyon ng Presidente at ng mga kritiko niya. Sa giyera laban sa droga, ang “human rights” or karapatang-pantao ang mainit na debate.

Wala raw karapatan na mabuhay ang isang durugista, dahil ‘pag siya ay lango na, karumal-dumal na krimen na ang kaya niyang gawin, at mula sa paggamit ng shabu, hindi malayong maging drug runner o pusher na siya.

At ‘pag nanlaban sa pulis, hindi dapat magdalawang-isip ang pulis na protektahan niya ang kaniyang sarili at unahan na ang kriminal.

Para naman sa Commission on Human Rights (CHR) at mga human rights defender (o HRDs), ang lahat ng tao ay may karapatan, maging kriminal man ito.

Lalo na ang mga inosente pa. Obligasyon ng gobyerno na i-assure ang mga tao na hindi na lalabag ang kanilang karapatan at sila’y napoprotektahan.

Bilang ina, suportadoko ang Presidente sa kanyang matibay na layunin na tapusin na ang droga. Tama lang ‘yun! At kung kailangan na maging agresibo ang mga pulis, walang dapat alinlangan na gawin nito.

Pero alam ko rin na hindi tuluyang masusugpo ang droga kung puro patayan lang ang alam na paraan. Dapat ay masinop ang buong proseso ng pagsugpo sa krimen. Na alam ng mga drug supplier, drug pushers, drug couriers at drug users na hindi sila makaliligtas sa mga awtoridad.

Kinikilala na kasama sa laban sa pagsugpo ng iligal na droga at katiwalian ay ang ating mga kapulisan, mga alagad ng batas, mga abogado, at dapat mga politiko.

At kasama rin dito ang pagkilala na lahat ng tao, kahit na ‘yung mahirap na adik, ay may karapatan-pantao rin. Dahil marami sa kanila, biktima rin.

Tuwing ika-10 ng Disyembre, ipinagdiriwang ng buong mundo ang International Human Rights Day. Pag-isipan natin ito, para maiba naman. ALIN ANG NAIBA/ALIN FERRER

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply