KATIWALIAN SA KASUNDUAN SA DENGVAXIA

NAGKAROON nga ba?

Nagpahayag si Dr. Susan Mercado ng Philippine Red Cross Public Health Emergency Preparedness and Response noong isang linggo na tinanggihan ng Formulary Executive Council ang hiling ng Department of Health sa ilalim noon ng dating Secretary Janette Garin na aprubahan ang pagbili ng bakuna na Dengvaxia na nagkakahalaga ng P3.5-billion.

Nanilbihan si Mercado noon bilang DoH undersecretary sa ilalim ng yumaong Health Secretary at Senator Juan Flavier.

Naging kontrobersyal ang pagbili sa Dengvaxia matapos aminin ng Sanofi Pasteur na gumawa nito na ang bakuna ay maaaring maging sanhi ng malalang dengue para sa mga hindi pa tinatamaan ng virus.

Naulat na ang Dengvaxia ay naibigay ng DoH sa hindi bababa sa 830,000 tao kahit hindi pumapasa sa requirements ng World Health Organization.

Hindi rin inaprubahan ng FEC ang pagbili ng Dengvaxia kahit pinayagan na ito ng Food and Drug Administration.

Gayunman, nagbigay si Garin ng exemption sa Dengvaxia kahit na ang mga exemption ay maigagawad lamang sa mga umiiral na problema sa kalusugan.

Inamin ni Garin na dati siyang nakipagkita sa mga opisyal ng Sanofi Pasteur sa Paris para sa isang meeting tungkol sa bakuna pero wala raw halong iregularidad dahil ginawa ito sa harap ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs.

Ayon kay Senator Dick Gordon na chairman ng Senate Blue Ribbon Committee na nagsasagawa ng pagsisiyasat sa kasunduan sa pagbili ng bakuna ay walang emergency para sabihing kinakailangan ito.

May malisya raw sa naganap na bilihan kung ikukunsidera ang kuwestyonableng pakikipagkita ni dating President Noynoy Aquino sa mga opisyal ng Sanofi sa Paris noong Disyembre 1, 2015. Nagulat ang senador na inaprubahan ng FDA ang bakuna ilang araw lamang matapos ang meeting.

Tinukoy ng senador ang masyadong mabilis at hindi kinakailangang pagmamadali sa kasunduan. Kailangan daw ang mataas na impluwensya na magmumula sa Pangulo para makapaglabas ng pondo mula sa Finance Department. Hindi raw ito kinakailangan dahil walang nagaganap na epidemya ng dengue sa panahong iyon.

Naunang nagpahayag si Gordon na nangangalingasaw ang midnight deal sa P3.5-immunization deal dahil inaprubahan ito noong Disyembre 29, 2015 bago magsimula ang kampanya para sa 2016 May election.

Lumalabas na ang Dengvaxia deal ay ginawa nang madalian at posibleng may bahid ng katiwalian.

At bakit ipinagpatuloy ng mga opisyal ng Sanofi Pasteur ang bentahan kung hindi sila nakasisiguro na ligtas ang bakuna para sa lahat? Ginamit ba nila ang mga Pilipino para eksperimentuhan?

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply