KONTRA MANGGAGAWA ANG LAKE POWER

INAKUSAHAN ng unyon ng mga manggagawa sa Lakepower Converter Inc. ang mga nagmamay-ari at namamahala na kontra-manggagawa.

Ayon kay Mercy Tanginan, pangulo ng Samahan ng mga Manggagawa ng Lakepower Converter, Inc., tahasang linalabag ng mga kapitalistang Taiwanese ang batas-paggawa ng ating bansa, pinagbabawalan pa ang mga manggagawa na magbuo ng unyon, at walang patid na sinisikil at pinagsasamantalahan ang mga manggagawa sa Lakepower na pawang kababaihan.

Kaya, dahil binalewala at binasura ang kahilingan ng mga manggagawa sa mga may-ari at namamahala ng Lakepower ng permanenteng itigil ang paninikil, pananamantala, at diskriminasyon sa mga unyonista ng Lakepower, at pagtigil sa pagtanggal ng mga opisyal at kasapian ng unyon sa kanilang trabaho, nagpasya ang unyon ng kababaihan na magsagawa ng piket nitong Huwebes.

Ngunit, ang isinagot ng mga damuhong kapitalistang Taiwanese ay karahasan sa mga manggagawa.

Inatasan ng mga kapitalista ang mga security guard ng Lakepower at ng Cavite Economic Zone at ng mga inupahang kalalakihan na buwagin ang piket ng kababaihang manggagawa at gulpihin ang mga ito.

Hindi dapat sumunod ang mga gwardiya at upahang kalalakihan sa utos ng mga kapitalista dahil sila rin naman ay pinagsasamantalahan ng kapitalistang Taiwanese tulad ng ginagawa nila sa manggagawang kababaihan.

Hindi dapat nagpapauto ang mga Filipino sa mga kapitalista para saktan at gulpihin ang kapwa ninyo Filipino na inaapi at pinagsasamantalahan, sapagkat pare-pareho kayong pinagsasamantalahan at tinatarantado ng mga kapitalista.

Pare-pareho kayong pinasasahod ng mababa habang ang mga kapitalistang inyong pinagsisilbihan ay patuloy na yumayaman.

Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakabalita ako na tahasang linalabag ang batas-paggawa ng ating bansa ng dayuhang kapitalista, pero tahimik, bulag at bingi ang Department of Labor and Employment na pinamumunuan ni Sylvestre Bello III.

Kakampi at tagapagtanggol ba ang DOLE sa panahon ni Bello? Dapat ang itawag dito ay DOCE na ang ibig sabihin ay Department of Capitalist and Exploitation, dahil mas angkop at tugma ito sa pinaggagagawa ng pangkat ni Bello sa DOLE.

DRUG-FREE BARANGAY SA CALOOCAN

SIMULA nang umarangkada ang kampanya laban sa iligal na droga ng administrasyon ni Mayor Oscar Malapitan noong Hulyo, 2017 bilang bahagi ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa narco-politicians, anim na barangay sa Lungsod ng Caloocan ang idineklarang drug-free ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency.

Ipagpatuloy lang ni Mayor Malapitan ang kampanya para madagdagan pa ang drug-free barangay.

===
Problema at hinaing n’yo, itawag, o i-text sa: 09985650271. BADILLA NGAYON/NELSON BADILLA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply