LUMALALIM ANG ISYU NG DENGVAXIA

UNTI-UNTI nang naglilitawan ang mga dating nakatagong detalye sa isyu nang kontrobersyal na P3.5-B Dengvaxia dengue vaccine immunization program ng Department of Health.

Naikasa ang kontrata sa huling bahagi ng termino ni dating Pangulong Noynoy Aquino noong 2016, kung kailan mabilis ding naipatupad ni dating Health Sec. Janet Garin ang pagbabakuna ng aabot sa mahigit 700,000 mga kabataang estudyante nang mga pampublikong paaralan.

Tuluyang ipinahinto ng kasalukuyang administrasyong Duterte nitong Disyembre ang pagbabakuna, matapos matuklasang maaaring magkaroon ito ng masamang side effect sa mga nabakunahang mga bata na hindi pa nagkakaroon ng dengue.

Sa nakaraang pagdinig sa Senado ay ibinunyag ng dating DOH consultant na si Dr. Francis Cruz na may isang malawakang cover-up sa isyu nang Dengvaxia.

Sinabi ni Cruz, dating consultant ni Health Secretary Paulyn Ubial sa Senate blue ribbon committee na napakaraming napansin niyang ‘red flags’ ng programa matapos niyang pag-aralan ang mga dokumento nito.

Partikular niyang tinukoy ang paraan ng transaksyon sa procurement at ang mabilisang pagpapatupad ng pagbabakuna bagama’t hindi pa kumpleto ang pagaaral sa bisa at kaligtasan ng gamot na Dengvaxia.

Hindi raw dumaan ang Dengvaxia sa tanggapan ni DOH undersecretary for technical services Dr. Vicente Belisario, para pagaralan at tiyakin na nakumpleto ang lahat ng kailangang requirement bago ito ilabas.

Napansin din niya na maiksi ang shelf life nito sa isang taon at apat na buwan lang ‘di tulad ng ibang vaccines na dapat ay ‘di bababa sa 18 buwan.

Nagtataka rin si Cruz kung bakit ipinatupad agad ang pagbabakuna sa napakaraming bata kahit walang “vector control intervention’, sa panahong bakasyon sa paaralan at kahit hindi naman kailangang gawin agad iyon.

Sinabi naman ni Ubial na pinuwersa siyang ituloy ang pababakuna ng ilang maiimpluwensiyang personalidad kahit tutol siya sa pagpapatupad nito. Nagtataka umano siya kung bakit kailangang gamitin agad ang bakuna sa halos isang milyong kabataan sa napakaikling panahon.

Idinagdag ni Ubial dapat sa 20,000-40,000 volunteer lang ito subukan sa loob ng trial period na 20 taon. Sa huli ay patuloy pa ring nangangamba ang libo-libong magulang ng mga batang nabakunahan kung ano ang kahihinatnan ng kanilang mga anak.

At maliban sa dapat maparusahan ang mga nagkasala sana ay gumawa na rin ng hakbang ngayon pa lang si Health Secretary Francisco Duque para matiyak ang kaligtasan ng mga nabiktimang mga bata mula sa epekto ng nasabing gamot. OPEN LINE/BOBBY TICZON

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply