Mabibiktima ng paputok, sasagutin ng DOH

BABALIKATIN ng pamahalaan ang pagpapagamot ng mga taong posibleng mabiktima ng paputok sa darating na pagdiriwang ng Bagong Taon.

Ayon kay Department of Health (DOH) Usec. Gerardo Bayugo, naglaan ng pondo ang DOH para magamit sa pagpapagamot ng mga mabibiktima ng paputok sa nalalapit na pagsalubong ng mga Pinoy sa taong 2018.

Maaari rin naman aniyang gamitin ang Philhealth para sa mga bayarin ng mga biktima ng paputok na magpapagamot sa pampubliko o pribadong ospital.

Sakali namang kulangin man ang Philhealth coverage ng pasyente, handa naman ang DOH na bayaran ang balanse sa halaga nang pagpapagamot.

Ayon kay Bayugo, may polisiya ang DOH ng “no balance billing” sa mga ospital.

Sa kabila naman nito, patuloy pa rin ang panawagan ng DOH sa publiko na tigilan na ang pagpapaputok tuwing sasalubungin ang bagong taon upang makaiwas sa anumang disgrasya tulad nang pagkabulag, pagkaputol ng mga bahagi ng katawan gaya ng daliri at kamay o di kaya’y kamatayan.

Noong pagsalubong sa taong 2017, tinatayang nasa 630 katao ang naitalang nasugatan dahil sa paputok.

Umaasa naman ang DOH na sa pagsalubong sa 2018 ay bababa ang bilang ng mga mabibiktima ng paputok lalo’t may kautusan na ang Pangulong Rodrido Duterte na nagbabawal sa paggamit nito. MACS BORJA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply