Maris, itinanggi si Diego pero inamin si Iñigo

PINABULAANAN ni Maris Racal na hindi siya ang third party sa nabalitang break-up nina Diego Loyzaga at Sofia Andres.

“Iyon po kasing kay Diego, friends lang po talaga kami, walang something doon sa friendship namin. Parang Kuya ko lang po siya. Close lang po, kabarkada. Minsan nga, binabatukan pa niya ako,” paliwanag niya.

Hindi rin daw niya alam kung saan nagmula ang balitang siya ang naging cause ng break-up ng alleged magnobyo.

Wala raw namang ‘bad blood’ o ‘silent feud’ sa kanila ni Sofia kaugnay ng kumakalat na balita.

“Nagkikita naman po kami ni Sofia lalo na po sa ASAP pero wala naman pong ilangan sa amin. Actually, friends pa rin po kami ni Sofia at wala naman pong nagbago,” pahayag niya.

Hindi naman ikinaila ni Maris na exclusively dating na sila ni Iñigo Pascual.

“Actually, nagsimula po ang closeness namin ni Inigo noong mag-guest ako sa concert niya, tapos nag-guest din po siya sa show ko. Tapos, naging close na po kami sa isa’t isa,” aniya.

Dahil exclusively dating, may kasunduan na rin daw ang dalawa.

“Ayaw ko na pong mag-entertain ng ibang tao. Ayaw din niya, pero hindi pa naman po kami official and kung pupunta man kami roon, we want to take it slowly,” hirit niya.

Ayon pa kay Maris, marami raw character traits si Inigo na nagustuhan niya.

“Sobrang bait niya. Humble, walang arte, maalaga. Maganda rin po ang values niya,” pakli niya.

Dagdag pa niya, marami rin daw siyang natutunan sa unico hijo ni Papa P.

“Marami po kasing nabago si Inigo sa akin. Naging positive po ako, iyon ang effect niya sa akin. Marami rin po akong natutunan sa kanya. Iyong confidence ko, kung paano ma-enhance ang creative side ko and how to challenge myself. Pareho po kasi ang passion namin for music,” esplika niya.

Para rin kay Maris, mas guwapo si Inigo kay Papa P.

Tsika pa niya, magaan din daw ang loob sa kanya ni Papa P. at feel niya ay boto rin ito sa kanya para kay Inigo.

“Nakatutuwa rin po dahil sobrang bait po niyang tao. Every time na nakasasalubong ko siya sa ASAP, nang-aasar siya pero typical lamang naman po iyon sa kanya,” sey niya.

Si Maris ay isa sa mga bida ng supernatural horror movie na “Haunted Forest” na kalahok sa 2017 Metro Manila Film Festival.

Ibinahagi rin ang aktres na may hindi siya makakalimutang nakakatakot na karanasan kamakailan.

“Nag-CR po ako sa isang mall. Noong pagpasok, biglang nag-on po ang lahat ng faucet, pero wala namang pong tao. So, kinilabutan talaga ako kaya dali-dali po akong lumabas,” deklara niya.

Fan rin si Maris ng mga Pinoy horror films.

“Hindi ko makalilimutan ang Shake, Rattle and Roll dahil bata pa lang po ako, pinanonood ko na siya. Naging tradisyon na rin kasi siya especially sa araw ng Pasko,” pagwawakas niya.

Mula sa Regal Entertainment at sa direksyon ni Ian Lorenos (The Leaving, Alagwa, Chinoy: Mano Po 7), tampok din sa “Haunted Forest” sina Jane Oineza, Jameson Blake at Jon Lucas. Kasama rin sa cast sina Raymart Santiago, Joey Marquez, Fiona Yang at Miho Nishida.

Ang nag-iisang horror entry sa 2017 MMFF ay magsisimulang manakot sa araw ng Pasko, Disyembre 25 sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa.

***
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com. CHIKKA PA MORE/ARCHIE LIAO

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply