MARTIAL LAW EXTENDED

YAMAN din lamang na nanalo na sa botohan sa dalawang Kapulungan ng Kongreso ang pagpapalawig ng “Martial Law” sa Mindanao ay nagpapasalamat po ang espayong ito sa lahat ng mga mambabatas na bumoto pabor dito.

Dapat lang naman talaga na palawigin ang Martial Law sa Mindanao dahil sa malinaw na mga kadahilanan na inilabas ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas.

May nakikita pa silang banta sa seguridad ng mga mamamayan sa lugar at hindi nagkamali ang nakararaming mambabatas na bumoto pabor sa Martial Law Extention.

Buti na lang at hindi nagpatumpik-tumpik pa ang Kongreso sa kahilingang ito ni Pang. Rodrigo Duterte.

Kaagad nilang tinugunan ang kahilingan ng Pangulo na bigyan pa ng extention ang Martial Law sa Mindanao na halos ilang buwan ding pinanahanan ng mga rebeldeng miyembro ng Maute, lalo na ang Marawi City.

Seguridad nga naman ng mamamayan ang nakataya rito. Hindi pa nga naghihilum ang ala-ala na ginawang paghahasik ng kaguluhan ng Maute Group at Abu Sayyaf Group matapos nilang sakupin ang Marawi City.

Mala-barbaro ang pananakop ng nasabing mga grupo at maraming Maraweño ang nangamatay sa giyera ng Filipino sa Filipino.
Gusto pa ba natin na mangyaring muli ang kaguluhan sa Marawi at sa buong Mindanao?

Gayong mismo ang mga militar at kapulisan na ang nagsasabi na hindi pa sigurado na lubusan nang malaya ang Mindanao sa kamay ng mga rebeldeng naghahasik ng kaguluhan.

Hanggang ngayon nga may namo-monitor pa ang mga militar na nagre-recruit muli ang mga rebelde ng mga inosenteng mamamayan para sumapi sa kanilang hanay para ipagpatuloy ang panggugulo sa Mindanao.

Kung hindi mapalawig ang Martial Law sa Mindanao, paano na ang Mindanao sakaling muling manumbalik ang mga rebelde sa mga bayan-bayan sa nasabing rehiyon?

Sa totoo lang napakahina ng “intelligence networks” ng ating mga Intelligence Agency kaya mahirap na ipagsapalaran sa mga ito ang kaligtasan ng milyon-milyong mamamayan ng Mindanao! JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply