Nagbibisikleta, tepok sa pamamaril

TEPOK ang isang lalaki matapos barilin ng hindi kilalang suspek habang sakay ang biktima ng bisikleta Miyerkules ng gabi, Dec. 20, sa Navotas City.

Dead-on-arrival sa Navotas City Hospital sanhi ng tama ng bala sa ulo ang biktimang si Alvin Naval, alyas “Chingoy”, 42, ng no. 114 Kahunari II St., Brgy. San Jose.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang motibo sa insidente at ang pagkakilanlan ng suspek para maaresto.

Sa pinagsamang imbestigasyon nina Navotas police investigators PO3 Allan Bangayan at PO1 Reysie Peñaranda, dakong 10:15 ng gabi, binabagtas ng biktima ang kahabaan ng S. Roldan St., Brgy. Tangos sakay ng kanyang bisikleta patungong Gov. Pascual St. nang bigla na lamang sumulpot ang suspek na armado ng baril at walang sabi-sabing isang beses na binaril sa ulo si Naval.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas sa hindi matukoy na direksyon ang suspek habang isinugod naman ang biktima ng mga rumespondeng pulis at mga barangay tanod sa nasabing pagamutan.

Isang basyo ng bala ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril ang narekober ng pulisya sa pinangyarihan ng insidente na isusumite sa Crime Laboratory Office para sa ballistic examination. ROGER PANIZAL

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply