P3.5B total refund para sa dengue vaccines, iginiit ni Recto

WALANG pagpipilian ang pamahalaan kundi sundin ang Procurement Law na puwedeng bawiin ang P3.5-bilyong ipinambili ng dengue vaccines dahil salapit ito ng bayan na ibinayad sa French manufacturer, ayon kay Senate President Pro-Tempore Ralph Recto kahapon.

Sa pahayag, sinabi ng mambabatas mulang Batangas na alinsunod sa itinakda ng Republic Act 9184, o ang Procurement Law, tungkulin ng Sanofi, ang supplier ng Dengvazia na isauli sa pamahalaan ang naturang halaga dahil lahat ng binili ng gobyerno ay sakop ng warranty.

“Sa ilalim ng ating batas, partikular ang RA 9184, puwedeng isoli ng pamahalaan ang mga depektibong produkto at serbisyong binili nito,” ayon kay Recto.

“Katunayan, itinakda ng naturang batas na kailangan maglagak ng retention money ang supplier na pwedeng pigilin ng pamahalaan hanggang matapos ang warranty upang matiyak na walang depekto ang produkto,” ani Recto.

“Pangkaraniwan ito sa government contracts. Kung wala ito sa kontrata sa pagbili ng bakuna, may natulog sa pansitan,” giit ni Recto.

Inihalimbawa niya ang paggawa ng kalsada na kapag may depekto, pwede itong kumpunihin o palitan sa itinakdang panahon na gastos ng contractor.

“Kung ang isang bagay na nabili, tulad ng gamot, ay hindi pwede palitan, kasi wala namang ipapalit, then government can demand reimbursement,” aniya.

Sinabi pa ni Recto na kapag binalewala ng Sanofi ang paghahabol ng pamahalaan, maaaring ilitin ng gobyerno ang ari-arian nito na nasa bansa upang mabawi ang kabuuang halaga.

“Hindi angkop ang “no return, no exchange policy” sa mga binili ng pamahalaan Bumili ka nga ng plantsang sira, pwede mo isauli, ito pa kaya,” aniya.

Kamakailan, inamin ng Sanofi, ang tagamanupaktura ng Dengvaxia na may depekto ang naturang gamot sa sinumang hindi pa nadadapuan ng dengue. Base sa talaan ng pamahalaan, umabot sa mahigit 400,000 bata sa elementarya ay nabakunahan ng naturang vaccine.

Sinabi pa ni Recto na marami nang kompanyan ang nagbayad sa pamahalaan dahil depekto ang kanilang produkto at serbisyo tulad ng Uber, Metrobank, RCBC, at PAL,” aniya.

“Kaya ito ang reseta natin sa Sanofi: Isauli ninyo ang bayad,” giit ni Recto. ERNIE REYES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply