Paghingi ng extension sa Martial law, apurahin – Alvarez

MINAMADALI ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang Malacañang sa paghahain nito ng formal request sa House of Representatives ukol sa martial law extension.

Ayon kay Alvarez isang linggo na lamang ang session ng Kamara at Christmas break na sa Disyembre 13, kung hangad umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin pa ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao na magpapaso sa Disyembre 31 ay dapat matalakay na ang extension request sa isang joint session ng Kamara at Senado.

“Kailangan na itong hilingin ng Pangulong Duterte sa lalong madaling panahon upang agad matalakay at madesisyunan sa susunud na linggo,” ani Alvarez.

Una nang nagsumite ng rekomendasyon kay Pangulong Duterte ang DILG at DND para palawigin pa ng isang taon ang martial law sa Mindanao sa basehang hindi lamang sa Maute group natatapos ang problema sa terrorismo sa rehiyon.

Samantala, ilang mambabatas naman ang tutol na palawigin ang martial law,giit ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate na tanging ang AFP lamang ang nagnanais nito at hindi ang mga apektadong residente.

“Wala nang mabigat na dahilan para sa extension kung ipipilit ito mabibigay daan lang sa mas marami pang kaso ng human rights violations,” pahayag ni Zarate.

Nangangamba pa ang mambabatas na gawing smokescreen ang martial law para sa rehabilitation program ng Marawi kung saan mauuwi lang sa korapsyon ang bilyong pondo na inilaan para sa Bangon Marawi. GAIL MENDOZA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply