Pagpatay sa CDO University President, kinondena sa Senado

MATINDING kinondena nina Sen. Chiz Escudero at Kiko Pangilinan ang pagpaslang kay Dr. Ricardo Rotoras, presidente ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), habang pauwi ito sa kanyang bahay sa Cagayan de Oro City.

Kaagad hiniling nina Escudero at Pangilinan sa Philippine National Police (PNP) na tugisin ang dalawang salarin na sumakay ng isang kulay itim na van matapos lumabas sa ekslusibong subdivision sa lungsod.

“Matindi nating kinonkondena ang kahindikhindik na karahasang ito laban sa miyembro ng academic community. Hindi ito katanggap-tanggap at nakakarimarim,” ayon kay Escudero, chairman ng Senate committee on education.

“Kasama namin si Dr. Rotoras sa pagbalangkas ng panukalang Universal Access to Quality Tertiary Education Act bilang presidente of Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC),” ayon kay Pangilinan.

Sinabi ni Escudero na hindi matatawaran ang pagkilos mismo ni Dr. Rotoras upang mapaunlad ang sistema ng higher education sa ating bansa na hindi natin makalilimutan.

“Masyadong malaking kawalan ang kanyang pagpanaw hindi lamang sa kanyang pamilya, kaibigan, at kasamahan sa trabaho kundi maging sa buong higher education sector,” giit nina Escudero at Pangilinan.

Kaya, hiniling nila sa PNP na kumilos kaagad at tugisin ang sinumang suspek sa brutal na pagpatay.

“Hinikayat natin ang PNP na kumilos kaagad sa kasong ito at gamitin ang lahat ng pamamaraan upang maipakulong ang sinomang salarin,” ani Escudero.

Natuklasan na nagbuo ang Cagayan de Oro City Police ng isang special investigation task group na mag-iimbestiga sa posibleng motibo ng pagpatay at dakpin ang mga suspek.

Binaril ng hindi kilalang kalalakihan ang biktima sa harap mismo ng kanyang tahanan sa Golder Glow North Subd. sa Brgy. Carmen, Cagayan de Oro City, dakong 1 nang madaling-araw nitong Sabado.

Ayon sa ulat, nagkaroon ng madaming sugat sa tama ng bala ang biktima at itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan ng kanyang driver. Ngunit bago makarating sa JR Borja General Hospital ay binawian ito ng buhay.

Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang ilang saksi sa insidente na nakakitang may ilang tao ang nakitang nakatambay sa lugar ng subdivision bago maganap ang insidente.

Sinabi pa ng ilang saksi na may nakita silang dalawang lalaking lumabas ng subdivision matapos ang insidente at tumakas sa pamamagitan ng isang itim an pick-up truck.

Nakakuha ang pulisya ng ilang basyong bala mula sa kalibre 45 na hinihinalang ginamit sa pananambang upang patayin si Rotoras.

Nitong hulyo, nahalal si Rotoras sa ika-apat na termino bilang president ng PASUC at kasalukuyang president ng USTP sa Cagayan de Oro noong pang 2006. ERNIE REYES

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply