Pang. Duterte, may tiwala pa rin kay Faeldon

KAHIT kinapitan ng kamalasan noong mga nakalipas na buwan dahil sa isyu ng iligal na droga si dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon ay patuloy pa rin itong pinagkakatiwalaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na hangga’t hindi napatutunayan na talagang may kinalaman si Faeldon sa usapin ng katiwalian sa paglusot sa BOC ng P6.4-bilyong halaga noong Mayo na nasakote kinalaunan sa isang bodega sa Valenzuela City noong Mayo at ang usapin na tumanggap siya ng P100-milyong bilang “pasalubong” nang maupo sa naturang posisyon noong 2016 ay nananatili ang tiwala sa kanya ni Pangulong Duterte dahilan upang italaga ito bilang bagong deputy administrator ng Office of the Civil Defense.

“Ang Presidente naman bilang abogado ay bibigyan siya ng presumption of innocence at binibigyan siya ng pagkakataon na manilbihan uli sa gobyerno. Alam mo kasi ibang klase din itong si dating Commissioner Faeldon ‘no. Iyan ay miyembro ng Magdalo, so naniniwala ang Presidente na mayroon talagang paninindigan at mayroong prinsipiyo ‘no. Kaya hindi siya naniniwala sa ngayon ‘no doon sa mga paratang laban sa kaniya,” aniya pa.

Importante ang bagong posisyong ipinagkatiwala ni Pangulong Duterte kay Faeldon sa Office of Civil Defense dahil ito aniya ang gumagawa ng mga polisiya para sa pagtugon kapag nagkaroon ng mga aberya, kalamidad, sa bansa.

“Alam ninyo naman itong buwan na ito, sunud-sunod ang bagyo na dumapo sa atin, so makikita na natin na napakaimportante nitong opisina na ito. Kinakailangan isang pinagkakatiwalaan talaga ng Presidente ‘no dahil napakadaming buhay ang nakasalalay dito sa tamang pagganap ng kanilang katungkulan dito sa Office of Civil Defense,” ani Sec. Roque.

Wala namang magiging problema sa pagtatrabaho ni Faeldon sa OCD kahit na nananatili itong nasa kustodiya ng Senado dahil policy making naman aniya ang Office of Civil Defense.

Hindi aniya talaga ito ang implementation, ito aniya lamang ang gumagawa ng mga plano at mga hakbang kung magkakaroon ng aberya.

At sakali aniyang magpatawag ng pulong na kasama si Faeldon ay hindi naman bawal pumasok sa Senado lalo pa’t ang Senado ay pampubliko.

Nauna nang itinalaga ni Pangulong Duterte si Faeldon bilang deputy administrator sa OCD.

Batay sa memorandum na nilagdaan ng pangulo na may petsang Disyembre 22, papalitan ng dating Marine Captain si dating deputy administrator Rodolfo Demosthenes Santillan.

Wala pang inilalabas na pahayag si Faeldon na hanggang ngayon ay nasa custody ng Senate Sergeant-at-Arms makaraan siyang i-cite on contempt dahil sa pagbalewala sa summons kaugnay sa shabu shipment sa Bureau of Customs (BOC).

Si Faeldon ay nagbitiw sa kanyang posisyon bilang pinuno ng BOC noong nakalipas na buwan ng Setyembre dahil sa nasabing kontrobersiya.

Ang OCD ang nangangasiwa sa mabilis na pagtulong sa mga lugar na sinalanta ng natural at man-made calamities ay nasa ilalim ng Department of National Defense.

Samantala, sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na bahala na ang Senado na pag-aralang mabuti at himayin ang anunsyo na ito ng Pangulo. KRIS JOSE

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply