PARAISO AT IMPIYERNO SA JAPAN

NAPAKAGANDANG bansa. Malinis sa lahat ng bagay. Disiplinado ang mayorya ng mamamayan. Mala-paraisong bansa para sa akin ang JAPAN.

Nagtungo tayo kamakailan doon, muli, hindi para mag-ala-turista kundi alamin kung totoo o hindi ang mga inirereklamo sa atin sa RADYO PILIPINAS 738 kHz, sa Facebook, sa Twitter at sa mga text na natatanggap ko.

Dalawa ang nakita ko. Paraiso at impiyerno! Ganyan ang buhay ng mga kababayan natin ngayon doon.

Unahin natin ang impiyerno sa buhay ng mga Filipino.

Sila ‘yung mga bagong dating. Kinuha sila rito sa Pilipinas para “raw” bigyan ng magandang bukas.

Pero sa halip na ligaya, dusa ang nararanasan nila dahil sa ilang “mala-demonyo” rin naman na mga Pinoy roon!

Ang kapural ay “brokers” ang tawag. May matino.

Maraming suwapang. Binayaran na sila ng mga “sacho” na mababait para mag-recruit sa bansa, pagdating ng “recruit” doon, kaliwa’t kanan sila na “sinisingil” ng demonyong suwapang na brokers kuno.

May nakilala rin naman ako na sobra namang matino. Mala-paraiso ang buhay ng mga kinupkop nila na biktima ng mga demonyong broker.

Hindi kilala ng mag-asawang Hapones at Filipino ang mga kababayan natin na biktima ng mala-demonyong brokers pero kinupkop at inalagaan ng mag-asawang NOGUCHI!

Ang mga biktimang Pinoy ay kinawawa ng suwapang na “brokers.”

Kahit bayad na ng Hapones ang serbisyo ng recruitment, sinisingil pa nila ang pamilya ng mga kawawang biktimang OFW.

Kalaunan, naipasok nga sa trabaho pero halos kalahati ang kaltas sa sahod nila.

Matindi pa, ang dapat na ligal nilang VISA ay maisaayos, ‘yun pa ang ginawang kababuyan na sadyang ibinibitin para patuloy ang singil-serbisyo kuno ng suwapang na “broker” sa biniktima niyang Pinoy na halos umaabot sa 700 katao!

Iisa-isahin natin ang kanilang kwento sa mala-paraisong Japan. Nagpapasalamat lang muna tayo sa ilang matitino at mapaglingkod na Filipinong kasal sa Hapones.

Sa akin, sila ang sugo at tagapagligtas ng mga biktimang Filipino sa Japan.

Sayang, sabi nga ng kaibigan ko sa Immigration Bureau, kahit alam nila na iligal ang maraming Pinoy, may visa man o wala pa, hindi nila hinuhuli dahil mahal daw nila ang mga Filipino at bansa natin.

Idineklara nila sa atin – lalo na raw ngayon sa administrasyon ni PANGULONG RODRIGO ROA DUTERTE!

Tutulong tayo kina Mamasano at Kauro Noguchi! BALETODO/ED VERZOLA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply