PDU30 ‘wag i-pressure sa drug war – Alvarez

PARA kay House Speaker Pantaleon Alvarez, hindi dapat i-pressure ng publiko sa deadline sa war on drugs si Pangulong Rodrigo Duterte sa katwirang nangangailangan ng mas mahabang panahon para maresolba ang problemang ito.

Ayon kay Alvarez, kung nakapagsabi man si Pangulong Duterte na anim na buwan ay mawawakasan ang problema sa illegal drugs ay hindi na nito dapat singilin pa ng publiko sa Pangulo.

“Kung nabibigo man ang Pangulo sa ipinangako niyang timetable ay hindi na dapat singilin pa ng publiko dahil nakikita naman na may nagagawa at malaki na ang pinagbago ng eatado ng droga sa Pilipinas muna nang manungkulan ito,” paliwanag ni Alvarez.

Sa lawak umano ng problema ay totoong mangangailangan ang Pangulo ng mas mahabang panahon.

Una nang humingi ang Pangulong Duterte ng isa pang taon para gawing matagumpay ang agenda ng administrasyon sa war against drugs ngunit para kay Alvarez maging ang bagong deadline na ito ay hindi sapat.

“Kahit ang bagong deadline na ito ay hindi sapat dahil sadyang mabigat ang problema sa illegal drugs at hindi ito kailangang ituring na may hard and fast deadline,” dagdag pa nito kasabay ng pagsasabing mayroong termino ang Pangulo na hanggang 2022 para tapusin ang problema sa droga sa bansa.

Ang problema sa illegal drugs ang isa sa pangunahing plataporma ni Pangulong Duterte nang tumakbo ito noong 2016 na sinasabi humatak sa kanya para mailuklok sa Malacañang. GAIL MENDOZA

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply