PINAKAUNANG COLLEGE OF LAW SA CAMANAVA NASA UCC

DINALUHAN ni Caloocan Mayor Oca Malapitan ang pagtitipon ng mga estudyante at guro ng bagong University of Caloocan City-College of Law kung saan pinasinayaan din ang bagong logo nito.

Ang pangako ni Mayor Oca na pagtatag ng College of Law sa Caloocan ay natupad ngayong taon at kasalukuyang pinakikinabangan na ng mga estudyante na nangangarap maging abogado.

“Ang pagkakaroon ng UCC-College of Law sa Caloocan ay ang aking pagsuporta sa mga residente ng ating lungsod na nais magkaroon ng de- kalidad na edukasyon sa abogasya at natutuwa akong makita ang mga estudyante nito na nagsisimula na sa pag-abot sa kanilang pangarap na maging abogado,” ani alkalde.

LEHITIMONG PAGKILOS NG ISANG PULIS – MODEQUILLO

Ipinaliwanag ni Caloocan Police chief S/Supt. Jemar Modequillo na ang panibagong kontrobersya ng pagkakapatay ng isang pulis sa isang hold-up suspect ay isang lehitimong pagkilos ng isang pulis laban sa namamaril na suspek.

Ani Col. Modequillo, naaktuhan ni C/Insp. Narciso Cajipe, Jr., PCP-6 commander, ang dalawang naglalakad na nakahubad pang-itaas na kalalakihan at nang bumaba siya sa patrol car para sitahin ang mga ito ay bigla na lamang nagtatakbo ang mga lalaki, kabilang na si Mario Balagtas na nakasuot naman ng damit pang-itaas.

Hinabol umano ni Cajipe si Balagtas hanggang sa pumasok ito sa isang bahay at nagtulakan pa sila sa magkabilang bahagi ng pintuan.

Dito umano binaril ng suspek si Cajipe kaya gumanti ang pulis ng putok.

Ipinakita ni Cajipe sa mga kagawad ng media ang kanyang bullet proof vest na may tama ng bala ng .45 caliber na siyang iprinisinta, pati na ang balang nakabaon sa loob na nagmula umano sa baril ng suspek, bilang katibayan na nagkaroon ng barilan.

CALOOCAN’S BIG DOME

Bukas (Biyernes) ay pormal na magbubukas ang Caloocan Sports Complex sa Bagumbong, Caloocan North na personal na sasaksihan ni Mayor Oca at iba pang lokal na opisyal.

Matapos ang isang Banal na Misa sa umaga ay susundan ito ng blessing ng buong pasilidad at agad ay masasaksihan ang unang-unang laro, ang celebrity games ng tv/movie stars at Caloocan Supremos at sa hapon ay ang PBA games sa pagitan ng Blackwater Elite at NLEX Road Warriors.

NAVOTAS MAYOR TIANGCO NAMAHAGI NG HIGH-SPEED SEWING MACHINES

Namahagi si Mayor John Rey Tiangco ng 17 high-speed sewing machines na nagkakahalaga ng P136,000 sa mga nagtapos ng dressmaking sa Navotas Manpower and Training Center bilang bahagi ng livelihood assistance ng Department of Labor and Employment.

Kasama niya sina DOLE CAMANAVA Director Rowella Grande, Ronald del Rosario, at Rachell Roldan. GOOD RIDDANCE/ARLIE CALALO

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply