PRESIDENT FOR PEACE

MAY pag-asa pa para sa pambansang kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebeldeng komunista.

Batay ito sa mga nagaganap at pahayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang pinuno ng government panel para sa peace talks sa mga rebelde.

Sinasabi mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte na pupwedeng buksan mismo ni government chief negotiator Bebot Bello at mga kasamahan nito ang peace talks sa mga darating na araw bagama’t sa ngayon ay dapat na magpalamig muna ang lahat.

Ayon naman kay Bello, mariin nitong sinasabi na hangga’t buhay pa sila ni Pang. Digong, naririyan lagi ang posibilidad na magkaroon ng usapang-pangkapayapaan.

Tugma ito sa deklarasyon mismo ng Pangulo na siya’y President for Peace o Pangulo para sa Kapayapaan.

KONTRA-CPP-NPA

Bago ang pinakahuling pahayag ng Pangulo ukol sa posibilidad ng peace talks ay nagdeklara ito ng pagtigil ng nasabing pag-uusap.
Sinundan ito ng pahayag din nitong ideklara bilang terorista ang CPP-NPA.

Ngunit lumalabas ang mga reaksyon na ito sa hindi pagkakaintindihan na siyang sinasabi mismo ng Pangulo.

There is a misunderstandig, sabi niya.

At ang misunderstanding na ito ang nagpapalagablab ng digmaan na tuloy-tuloy hanggang sa isinusulat natin ito.

IBANG PALATANDAAN

Bukod sa mga salita mismo nina Pang. Digong at Secretary Bello, naririyan ang mga pangyayaring palatandaan ng posibilidad talaga na magkakaroon pa rin ng usapang-pangkapayapaan.

Sa kabila ng panawagan mga may gustong guluhin ang pamahalaang Duterte at paigtingin ang pagkahati-hati ng mahal kong Pinas, hindi sinisibak ng Pangulo ang mga kilalang lider ng kaliwa na kanyang iniupo sa puwesto.

Hindi ring nagre-resign ang mga ito, kahit na naririyan na ang kanselasyon ng peace talks at paglalakad na ideklarang terorista ang CPP-NPA at nakaambang pag-aresto sa mga pinakawalan nitong mga National Democratic Front consultants.

Hindi rin binabawi ng Pangulo ang bigay nitong mga pabahay sa ilang miyembro ng Kadamay na nang-agaw ng housing units para sa mga sundalo at pulis sa isang lugar sa Bulacan.

MGA SULSOL

Parehong matigas ang magkabilang panig sa kanilang girian.

Naglalabas sila ng kanya-kanyang rason kung bakit may giyera gaya ng pagtawag sa isa’t isa na terorista.

Pero lumalabas naman na mismong ang magkabilang panig ay may mga bahaging nais ang pagkakasundo at inilalabas mismo ito ng katulad mismo ni Pangulo at ni Bello at ilang NDF consultant.

Maging ang mass base ng magkabilang panig, ang mamamayan at mga miyembro ng mga makakaliwang organisasyon, ay hati rin.

May gusto at may kontra sa peace talks.

Pero ang isa sa dapat na bantayang mahigpit dito ay ang pailalim na pagkilos ng mga may ibang interes.

Kagaya ng mga oposisyon sa pulitika na nais gamitin ang hidwaan ng pamahalaan at mga rebelde para sa kanilang pansariling interes.

BUKING NA SULSOL

Kapag nagkagewang-gewang ang Pinas sa pagpapatuloy ng giyera, gustong palitawin ng mga oposisyon na sila ang tamang mamuno at kumontrol sa bansa.

Ito’y kahit na isinusuka na sila ng higit na nakararaming mamamayan dahil nasubukan na sila bilang mga walang pagmamalasakit sa nakararaming mahihirap at api at pawang pagnanakaw at pandarambong sa gobyerno ang pinagkakaabalahan.

Hindi na mabura sa isipan ng mga mamamayan ang mga nabubuking na bilyon-bilyong pisong anomalya ng mga ito sa Dengvaxia, MRT-3, Road Right of Way scam sa General Santos, driver’s licence, car plate, pagbili ng boto ng mga kongresman at senador sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona, pondo sa natural gas sa Malampaya, interes sa reward money sa Mamasapano massacre at marami pang iba.

UTAK-PULBURA

Isa rin sa mga dapat na bantayan ang mga utak pulbura sa magkabilang panig.

May mga utak pulbura sa mga rebelde at gayundin sa mga pwersa ng pamahalaan, kasama na ang mga opisyal ng mga ito.

Kung iisipin, malaking balakid talaga ang mga utak pulbura at hindi nakikita ng mga ito ang maibubunga ng kapayapaan na nais talaga ng Pangulo na maganap upang tuluyan nang uusad sa pagbabago at kaunlaran ang Pinas.

Ang mga utak pulbura sa panig ng pamahalaan ay ang mga nagpapagamit bilang bantay sa mga malalaking negosyo at mga korap habang utak pulbura naman sa panig ng mga rebelde ang higit na naniniwalang sa dulo ng baril madaraan ang lahat.

INTERES NG BAYAN

Paano nga kaya kung pangibabawin talaga ang interes ng nakararami na nagdarasal para sa kapayapaan at mapayapang pagkilos tungo sa pagbabago at kaunlaran?

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@ yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply