PULIS-CALOOCAN NA NAMAN

PATULOY na sinusundan ng kontrobersya ang mga miyembro ng Caloocan City Police nang masibak kamakailan ang ilan sa kanilang pulis dahil sa pagkakasangkot sa pamamaslang ng isang lalaki na walang suot na pang-itaas sa kanilang operasyon.

Ang 32-anyos na si Mario Balagtas ay nasa labas ng isang hardware kasama ang dalawang lalaki nang maispatan ng mga operatiba na walang pang-itaas kahit nasa publiko.

Mabilis na tumakbo ang suspek sa inuupahan niyang kuwarto na may 30 metro ang layo habang ang mga kasama niya ay tumakas sakay ng motorsiklo.

Binaril umano ni Balagtas ang mga pulis na kumatok sa kanyang pinto kaya napuwersa silang sagutin ang putok.

Gayunman, ibang bersyon ang ipinahayag ng testigo na sumusuko na raw si Balagtas at nagmamakaawa sa kanyang buhay nang barilin ng mga pulis.

Inatasan na umano ni Director Oscar Albayalde, National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, si S/Supt. Jemar Modequillo, Caloocan City Police chief, na imbestigahan ang naganap.

Ito ang unang pagkasawi sa ilalim ng Oplan Galugad mula nang masibak si dating Caloocan police chief, S/Supt. Chito Bersaluna, dahil sa kontrobersyal na kamatayan ng mga kabataang suspek sa mga operasyon.

May mga nagsabi na posibleng katulad ito ng kaso ni Kian delos Santos, isang 17-anyos na estudyante ng Grade 11.

Ayon sa kapulisan, tagapaghatid ng droga si Delos Santos na tumangging magpaaresto at nanlaban kaya napuwersa silang gumanti ng putok upang ipagtanggol ang sarili.

Pero batay sa awtopsiya, si Kian ay nasa lupa nang barilin sa likuran, sa likod ng kaliwang tainga at loob ng kaliwang tainga at ang bumaril ay nakatayo.

Maaalala rin dito ang kaso ng 19-anyos na si Carl Arnaiz na napaslang ng mga pulis matapos umanong magtangkang nakawan ang taxi driver na si Tomas Bagcal sa Caloocan.

Ang naturang driver mismo ang nagsabi na matapos ang pagtatangkang panghoholdap ni Arnaiz ay dinala niya ito sa mga pulis sa tulong ng mga barangay tanod.

Ibinunyag ng dalawang testigo sa Senado na nakita nila si Arnaiz na nakaluhod na nang barilin ng mga pulis.

Lumabas din sa pagsisiyasat ng Public Attorneys’ Office (PAO) na si Arnaiz ay tinortyur, pinosasan at walang laban nang barilin nang limang ulit.

Ang Firing Line ay laging nasa panig ng batas at hustisya. Ang isang suspek ay dapat hulihin at panagutin kapag nakagawa ng krimen.

Pero ibang usapan na kapag ang biktima ay tinortyur at pinaslang ng mga pulis na dapat sanang nagpapatupad ng batas at nagpoprotekta sa mga mamamayan.

* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT ROQUE, JR.

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply