Revilla, Cambe makakasama ang pamilya sa Christmas Eve

SA unang pagkakataon sa loob ng apat na taon, magdiriwang sina dating Sen. Bong Revilla at ang kanyang chief-of-staff Richard Cambe ng bisperas ng Pasko sa labas ng kulungan.

Sa dalawang separate resolutions na may petsang Dec. 20, pinagkalooban ng Sandigabayan First Division ng 10-hour furlough ang dalawang plunder defendants para maipagdiriwang ang Kapaskuhan kapiling ang kanilang mga pamilya sa Cavite.

Sina Revilla at Cambe ay pinayagan na makalabas ng kanilang selda sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame mula 11 a.m. hanggang 9 p.m. sa Linggo, Dec. 24.

Magdiriwang si Revilla ng Kapaskuhan sa kanyang bahay sa Bacoor City, Cavite, habang si Cambe naman ay sa bahay ng kanyang kapatid sa Imus City, Cavite. Pinayagan din si Cambe na sumailalim sa isang dental check-up habang nasa labas ng kulungan.

Ipinapasagot ng korte sa dalawang plunder defendants ang magagasta ng PNP para sa kanilang personal escorts at security measures.

Hindi rin pinapayagan ang dalawa na makagamit ng mga cellphone o kahit na anong klase ng komunikasyon o electronic gadgets. Ipinagbabawal din ang media interviews.

Humirit din si Revilla ng 33-hour furlough mula Disyembre 31 – Enero 1. BOBBY TICZON

About Gilbert

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply