SOSYAL SA DROGA SA HOTEL, CONDO

SOSYAL na sosyal ang dating ng mga nahuhuli ng Philippine Drug Enforcement Agency.

May mga doktor, engineer, model, manager, Fil-Am at iba pa.

At sa mga hotel at condo sila nagse-sex orgy, nagse-session, may laboratoryo ng droga at iba pa.

HOTEL SA BGC

Kabilang sa mga pinakahuling nahuli sa Unit 609 of Seda Hotel on 11th Avenue sa Bonifacio Global City ang 11 na propesyunal ang karamihan.

Sina Edmond Remegio at Pedrito Coronel, Jr., alyas Malik, parehong model; Carlo Kasala, doctor; Jose Carlo Torres, engineer; Bryan Dizon, 20, software developer; Jevel Ucero, student; Aclan Manalo, makeup artist; Legui Brylle Gonzales, account manager; Angelo Padasas, 28, office staffer; at Jake Tolentino, 33 at Manuel Valdes, 34, parehong insurance personnel.

Nasamsam sa mga ito ang 40 tableta ng ecstasy, dalawang sachet ng shabu at 14 bote ng gamma hydroxybutyrate o GHB na pampalibog at pampasaya.

May nagse-sex orgy at may sumisinghot ng droga nang madatnan ang mga ito ng mga tauhan ni PDEA chief Aaron Aquino kamakailan.

CONDO SA MANDALUYONG

Bago ang raid sa Seda Hotel, siyam naman ang naaresto sa 21st floor ng The Tivoli Garden Residences sa Conado Street, Brgy. Hulo, Mandaluyong City.

Ginawang drug den at laboratoryo ang unit ni Dennis Ray Aguilar Thieke, isang Fil-Am at natagpuan dito ang shabu, ecstasy, cocaine, marijuana, gamit sa paggawa ng droga at isang baril na Booster M4.

Kasama sa mga nahuli sina Dianh Carlo Lescano Malayo, 25, jobless; Belinda Morrison, 25, college graduate; Ian Mitchelle Custorio, 31, project manager; Ymmanuel Orfelia Parada, 26, tattoo artist; at Pancrasio Masinsin Parada, 53, carpenter.

Inaresto naman sina Engineer Felicisimo Aguilar, Jr. y Ignacio at Daniel Cajape y Valencia, barangay kagawad, dahil sa panunuhol sa mga raiding team ng P1-milyon para lang lumaya si Thieke.

Isang araw bago mahuli sina Thieke, nahuli rin sa I-Suites Hotel, Imperial St., Cubao, Quezon City si Taisir Nardo alias TJ Howard.
Mga liquid at tablet ecstasy ang nakumpiska rito.

HOTEL SA TONDO

Sa Room 304 City Royal Hotel, Juan Luna St., Tondo, Manila, nahuli sa pag-iingat ng malaking bulto ng marijuana sina Richard Aldrin Mujar, Daron Enriquez, Christopher Limasin, Christelle Arandia, Kurt Galagana, Rod Lakindanum, Mark Anthony Mariano, John Benedict Maglalang at Jomar Lacap.

Makakapal ang mukha ng mga ito nang bentahan nila ng marijuana ang dalawang menor de edad para gawing yosi ang mga ito.

Hayun at itinuro sila sa mga pulis ng nahuling menor-de-edad.

HOTEL SA CEBU

Nahuli rin sina Arvin Ybañe at Arnold de Belen sa paggawa bilang drug den o sesyunan ng droga na shabu sa Junquera St., Brgy. Kalubihan, Cebu City.

Kabilang sa mga nahuling binentahan at user nila sina Jenissa Gabica, Dexter Go-c-ong, and Adrian Abellana.

Lahat ng ito ay performance ng PDEA nang ipahawak sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang giyera sa droga at iniatras ang pagkilos ng Philippine National Police bilang pangunahing puwersa sa nasabing giyera.

LABAN SA HIV

Sa mga operasyong ito sa giyera sa droga, isa sa mga pinag-interesan natin ang paksang Human Immunodefiency Virus-Acquired Immundodeficiency Syndrome na nakamamatay at walang lunas na sakit.

Partikular na naging kontrobersyal ang paglalabas ni PDEA chief Aquino ng balita na isa sa mga nahuli sa BGC hotel ang may HIV.

Kaugnay nito, pinalalabas ng mga awtoridad na sa 100 Pinoy na may HIV, 85 dito ang kalalakihan.

At nakukuha ang HIV-AIDS sa datos na ito sa sex sa pagitan ng mga lalaki at hindi sa lalaki at babae, paggamit ng eringilya sa droga, pagmana ng baby mula sa magulang at iba pa.

Kalalakihan ang nahuli sa BGC at maaaring sa ganitong sitwasyon talaga lumalawak at lumalaki nang mabilis ang bilang ng mga nahahawa sa nasabing sakit.

HINDI NAGKAMALI

Ang sabi ng iba, nagkamali si Aquino sa paglalantad ng katotohanan ukol sa kalagayan ng isa sa mga huli sa BGC.

Nilabag umano ni Aquino ang batas para sa HIV-AIDS na nagsasabing dapat ilihim ang pagkakilanlan ng mga biktima ng nasabing sakit.

Binira pa nga nila ang isang istasyon ng telebisyon na naglabas ng mugshot ng mga nahuli.

Pero para sa atin, mga Bro, hindi lang naman ang batas HIV-AIDS ang sangkot dito kundi batas din laban sa droga.

Gaya ng ginagawa mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte, inilalabas ang ngalan o pagkakilanlan ng mga sangkot sa droga upang maging epektibo talaga ang giyera sa droga.

Kaya naman, masasabi ng ULTIMATUM na hindi nagkamali si Aquino sa kanyang nagawa at para ma-testing kung nagkamali siya, kasama ang TV5, aba, magdemanda ang sinomang may gustong magdemanda para ang hukuman ang humusga kung sino ang tama at mali.

oOo
Anomang reaksyon o reklamo ay maaaring iparating sa 09228403333 o i-email sa bantiporda@yahoo.com. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply